Nagbago na raw ang pananaw sa buhay ng Kapuso star at first-time mom na si Kylie Padilla sa pagdating ng kaniyang anak na si baby Alas Joaquin.

Sa Chika Minute report ni Cata Tibayan sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing blooming pa rin si Kylie kahit pagod at puyat sa pag-aalaga sa kaniyang two-month-old baby.

"Nag-iba yung tingin ko sa mundo. Before, siyempre bata pa ako, kung ano lang ang gusto ko. Ngayon talagang lahat ng gagawin ko, kasama siya, kasama si AJ, family-oriented na," ayon sa aktres.

Ayon kay Kylie, cute, charming at malusog si baby Alas at malaking bagay daw na nakakapag-breast feed siya.

"Gumigising siya ng 7:00a.m. tapos kung gutom siya, gutom na gutom. Pakakainin ko nang konti kasi kailangan magpapaaraw na kami. Tapos magpaaraw ng 30 minutes to one hour, depende kung gaano kainit, pasok na kami. Tapos, yun sana, iiyak siya para lumakas yung lungs niya, tapos, after nu'n, paliliguan ko na," kuwento ni Kylie.

Nang tanungin kung sino ang mas kamukha ni baby Alas Joaquin, tugon ni Kylie, "Ako kamukha niya. Hindi!. Ang sa 'kin naman kasi, yung mata niya, singkit so siyempre sa 'kin nagmana. Actually yung first week, sabi ko kay papa (Robin), 'Pa, kamukha mo yung anak ko. Puntahan mo na.' Sabi niya, 'Talaga anak, exciting naman.'"

Sinabi rin ni Kylie na magbabalik na siya sa pag-e-exercise at Muay Thai para sa kaniyang muling pagbabalik sa showbiz.

Hindi naman niya pinansin ang mga basher na nagsasabing malaki ang kaniyang itinaba.

"First time ganu'n pala iyon. Feeling ko talaga I'm so gorgeous kasi I gave life. So nu'ng nag-comment yung tao, parang, okay? First time kong mag-react ng, 'Okay bahala ka,'" pagbahagi ni Kylie. -- Jamil Santos/FRJ, GMA News