Matapos manganak nitong ika-22 ng Setyembre, sinabi ni "Mars" host Camille Prats na tuluy-tuloy na daw ang kanyang recovery.

Nitong Martes, nagkaroon ng pagkakataong makamusta ng programa si Camille sa isang phone interview at ibinahagi niya ang mga naranasang hirap matapos ang cesarean section at ang pag-breastfeed sa kaniyang sanggol.

"Ito naman, recovering very well, Mars... sobrang okay na okay na."

"Nahirapan lang ako after the (C-section), the next day, 'yong unang-unang lakad, napakahirap. Pero after that, okay na, kayang-kaya na," anang Mars host.

Dagdag ni Camille, nakatulong daw sa pagpapadali ng kaniyang panganganak ang pagiging active hanggang sa ikawalong buwan ng pagbubuntis. 

Ayon kay Camille, ipinanganak daw si Nala Camilla na may timbang na 7.5 pounds, kaya kinailangang sumailalim sa cesarean section.

"Kaya din ako nag-CS kasi, if I wait for labor, sabihin nang 40 weeks back, baka hindi na siya magkasya and magkaproblema with the delivery, which might put her life at risk kaya nag-decide na kami na i-deliver na siya ng almost 38 weeks... 37 weeks and 6 days to be exact."

Ikinuwento pa ni Camille na iba raw ang karanasan niya sa pag-breastfeed kay Nala Camilla. 

"N'ong una may paglalaban na nangyayari sa breastfeeding at may paiyakan," ani Camille. "At yung paiyakan, hindi lang siya pati ako kasi ang sakit! Parang bineblade ang iyong ano..."

Naging mas maayos na raw ang pagpapa-breastfeed at nagkakasanayan na raw sila ng kaniyang bagong baby. "We're getting better at it. Isang subok lang, latch agad. So mas maginhawa na ang buhay."

"Taking it easy and taking it slow" pa rin daw si Camille, ngunit excited na rin siyang makabalik trabaho muli. — Jamil Santos / AT, GMA News