Malaki ang paniwala ni Chuckie Dreyfus na malalampasan ni Isabel Granada ang pagsubok na kinakaharap sa buhay matapos na ma-comatose habang nasa Qatar dahil sa aneurysm. Ayon sa aktor, kilala niya ang aktres na lumalaban sa lahat ng bagay sa kaniyang buhay.

Inihayag ito ni Chuckie nang makapanayam ni Rhea Santos sa nakaraang episode ng programang "Tunay Na Buhay," at ikinuwento ang ilang detalye sa nangyari sa kaniyang dating ka-love team na si Isabel.

Nang lumabas ang balita tungkol sa nangyari kay Isabel, kabilang si Chuckie sa mga nag-alala para sa kaibigan. Kaagad daw siyang tumawag sa nobya ng aktres na kasama nito sa Qatar.

Ayon kay Chuckie, habang nasa event, sinabi raw ni Isabel na nahihilo siya at masakit ang ulo. Dahil sa pag-aakalang posibleng dala lang ng pagpapalit ng klima ang dahilan ng nararamdaman, uminom lang daw ang aktres ng paracetamol.

Pero hindi nagtagal, nag-collapse na si Isabel at isinugod siya sa ospital.

Sinabi ni Dr. Jay B. Villavicencio, Endovascular Neurosurgery sa Makati Medical Center, ang aneurysm ay ang paglobo ng mahinang bahagi ng ugat sa utak dahil sa tuloy-tuloy na pagdaloy ng dugo.

"Hindi pa rin natin alam kung ano ang eksaktong dahilan bakit nagkakaroon ng aneurysm ang isang tao. Maaaring ito ay namamana. Maaaring ito rin ay dahil sa pagtanda o aging process, dahil sa pagkakaroon ng atherosclerosis na ugat, doon humihina ang ugat. Maaaring ito rin ay dahil sa alta-presyon," ayon sa doktor.

Sinabi ni Chuckie na naikuwento sa kaniya na nagkaroon din noon ng aneurysm ang ama ni Isabel, at nasa ibang bansa rin ito nang atakihin.

Lumipad na patungong Qatar noong nakaraang Biyernes sina "Mommy Guapa" Castro-Granada at anak niyang si Hubert.

Ayon kay Chuckie, nag-aalala raw siya para kay Mommy Guapa, dahil biyuda na siya at nag-iisa pa niyang anak si Isabel.

"I don't know how to console her. Gusto siyang yakapin, hindi ko alam ang gagawin ko," sabi ni Chuckie.

Paglalarawan ni Chuckie kay Isabel bilang ina, napaka-"loving" daw nito sa kaniyang anak na si Hubert.

"Isabel as a mother, she is very very loving. Sobrang mahal niya 'yung anak niya, because even on Instagram when I see her posting photos of Hubert, you can tell how proud she is of her son," sabi pa ng aktor.

Kilala raw ni Chuckie si Isabel bilang hindi sumusuko sa kaniyang mga laban.

"I really believe because I've never known Isa to give up on anything. Sports, sa buhay, sa pamilya. Her competitive spirit is sobrang taas talaga," anang aktor.

"I believe she is surviving now in spite of everything that has happened because of what she has inside," dagdag pa ni Chuckie.

Sa isang panayam noon kay Isabel, sinabi ng aktres na, "I do everything 100%. Once an opportunity comes along, and you did not do it 100%, for me, I think it's already a failure."

Click here for more GMA Public Affairs videos

-- Jamil Santos/FRJ, GMA News