Napanood kamakailan lamang sa ilang GMA shows tulad ng Pinulot Ka Lang sa Lupa at Encantadia, masayang ibinahagi ni dating "Viva Hot Babes" member Sheree Bautista na aktibo siya ngayon sa gym upang mapanatili ang magandang pangangatawan.

Nagsimula si Sheree bilang bokalista ng isang banda. Bukod sa pagiging bahagi ng Viva Hot Babes, naging cover girl na rin siya ng isang sikat na men's magazine noong 2010.

Nang manganak, napansin daw ni Sheree ang paglaki ng kaniyang katawan. Kaya taong 2013 nang muli niyang simulan ang kaniyang "balik-alindog program."

"Naisipan kong mag-gym kasi siyempre, I'm not getting any younger, and at the same time, for health reasons to avoid sickness and depression," sabi ni Sheree.

Paglalahad pa niya, isa raw sa sanhi ng anxiety at depression ang kawalan ng activity.

"'Yung isa sa mga cause ng depression tsaka 'yung anxiety 'yung wala ka talagang ginagawa. There was a time wala talaga akong ginagawa na shows. So I decided to do something for myself which is workout."

Sa ginagawang strength training ni Sheree, nagkakaroon siya ng good circulation ng dugo at nagkakaroon din ng flexibility ang kaniyang mga muscle at buto.

Samantalang nagpapalakas naman ng likod, braso, hita at tiyan ang back squats.

Maraming benepisyo para kay Sheree ang circuit training kung saan may strength at cardio exercises na ginagawa nang walang pahinga.

"Mas maaga akong nagigising at hindi ako lousy. Kumbaga 'pag gumigising ako nang maaga, alam ko na may energy na ako agad. Mas lumakas 'yung immune system ko nu'ng nag-start akong mag-gym."

Bukod pa sa gym, aktibo rin si Sheree sa boxing at kick boxing.

Sa 'Pinoy MD' nitong Sabado, ibinahagi rin ni Sheree ang kaniyang diet para mapanatiling malusog ang kaniyang katawan. —Jamil Santos/ALG, GMA News