Masaya ang "Eat Bulaga" host na si Joey de Leon sa kaniyang kaibigan at kapwa dabarkads na sina Vic Sotto at Pauleen Luna para sa kanilang baby girl. Pero nadulas kaya si Joey at nabanggit ang pangalan ng baby?

Sa Chika Minute report sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkoles, kabilang si Joey sa dumalo sa press conference ng pelikulang "Barbi D' Wonder Beki," na pinagbibidahan ng kapwa niya dabarkads na si Paolo Ballesteros.

Masaya si Joey, ang original "Barbi,"  sa naturang proyekto para kay Paolo.

Kasama rin sa pelikula ang tambalang BiGuel o sina Bianca Umali at Miguel Tanfelix.
Napag-usapan ang panganganak ni Pauleen at masaya si Joey sa pagiging tatay ulit ni Vic.

Pero nadulas nga ba si Joey at na-reveal ang pangalan ng baby nang magbigay siya ng pagbati sa dalawa?

Matatandaan na mula sa mga baby shower at hanggang sa makapanganak ay wala pang nababanggit na pangalan ng bata sina Vic at Pauleen, maliban sa biro nilang pangalan na "Jessica Sotto."

"Congrats Poleng and pareng Vic. Ang daming buhok, nakita ko nu'ng ipinakita sa akin ni Vic nu'ng unang araw. Talita? si Talita. Makikita n'yo rin siya, papakita n'ya raw sa 'Bulaga," ayon kay Joey. -- FRJ, GMA News