Overwhelmed sa kaniyang pagiging bagong Kapuso at pagkakasama sa bagong GMA drama series na "Kambal Karibal" si Kyline Alcantara. Ayon sa baguhang aktres,  komportable siyang gawin ang kontrabida role dahil idol niya ang 'Queen of Kontrabidas' na si Bella Flores.

 

 

"Comfortable po ako sa role na 'yon. And then, masaya po na i-portray ang pagiging kontrabida because puwede ka pong magbait-baitan. Puwede mong ipakita 'yung maldita side mo. Puwede kang maging baliw," sabi ni Kyline sa "Kambal, Karibal" press conference na ginanap kamakailan.

Sa naturang dramaserye, gagampanan ni Kyline ang karakter ni Cheska De Villa, isang batang inampon ni Geraldine Enriquez-De Villa (Carmina Villaroel) nang mawala sa kaniya ang kambal na anak na babaeng sina Crisanta (Biana Umali) at Criselda (Pauline Mendoza).

"Ito po kasi mas mature 'yung role ko rito so mas pinaghirapan ko po 'yung role ko rito," sabi ni Kyline.

Dahil sa sakit, mamamatay ang batang si Criselda pero patuloy niyang babantayan ang kakambal na si Crisanta. Kinalaunan, magagalit at maghahanap ng katawang-tao si Crisenda kakaya sasanib sa ibang tao para maghiganti.

"Ako po 'yung alive one, she's the dead one (Pauline), sumapi po siya sa akin. Gagamitin niya lang po 'yung katawan ko. Si tita Gloria po, lola ko po siya dito, so mapapansin niyo po 'yung pag-change ng character, like kung kailan ako magiging Cheska, kung kailan ako magiging Criselda," paliwanag ni Kyline.

Sa kaniyang paglipat sa GMA Network, nagpasalamat si Kyline dahil sa oportunidad na ibinigay sa kaniya.

"Overwhelming po kasi kahit bago pa lang ako sa kanila, binigyan agad nila ako ng malaking role, kumbaga malaking hakbang na rin po ito para sa akin. I'm really overwhelmed and thankful kasi... Nabigla rin po ako kasi honestly hindi ko po inakala na makukuha ko po itong artista role na ito kasi in-audition ko po ito. So 'yun," aniya.

Kung mayroon man siyang tinitingalang artista, ito ay ang beteranang aktres na si Bella Flores, at plano niyang sundan ang yapak ng "prima contravida."

"Kasi po gusto ko po talagang maging next Bella Flores, 'Queen of Kontrabidas' kasi na-inspire po ako du'n sa sinabi niya na 'walang bida kung walang kontrabida.' Nu'ng narinig ko 'yun, parang 'Wow! Oo nga ano! Marami pong puwedeng gawin ang isang kontrabida," kuwento niya.

Pagiging kontrabida man ang pinakagusto ni Kyline, handa pa rin siya sa mga hamon ng iba pang role.

"Pero kung may ibigay man ang management sa akin ng bida roles, light roles, opo, kasi artista po ako, hindi po ako puwedeng magpili ng roles," patuloy ng aktres. -- FRJ, GMA News