Sa harap ng pag-arangkada ng kanilang showbiz career sa 2017, nais ng ilang Kapuso male star na lalo pang paghusayin ang kanilang talento sa 2018.

Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabi ni "Super Ma'am" leading man Matthias Rhodes, na pagbubutihan pa niya ang kaniyang pagtatagalog sa 2018.

Mula sa pagiging modelo, marami na raw nagbago sa kaniya mula nang lumipat siya sa Pilipinas galing sa New York City.

Lalo raw siyang na-inspire na pagbutihin pa ang kaniyang career sa pag-arte matapos siyang ipareha kay Marian Rivera.

"Marunong akong magtagalog. That's the number one," ayon kay Matthias tungkol sa kaniyang planong gawin sa 2018.

Samantala, nais naman ni Migo Adecer na pagbitihan pa ang kaniyang pag-awit maliban sa pag-arte.

Pinaghahandaan daw niya ang kaniyang "Coming of Age" album kung saan mas magiging tila palaban daw ang kaniyang musika na ire-release sa GMA Records.

Mas na-e-express din daw ng Starstruck Season 6 Ultimate Male Survivor ang sarili sa musika kaysa sa acting.

Samantala, sinabi naman ni Jeric Gonzales na marami siyang nais baguhin sa sarili sa 2018. Nitong 2017, napagbuti ni Jeric ang kaniyang musika kasabay ng pag-arte.

Isang malaking challenge daw sa kaniya na pahusayin pa ang kaniyang pagiging singer. -- FRJ, GMA News