Natagpuang wala nang buhay ang direktor at writer na si Roy Sevilla Ho sa inuupahan niyang townhouse sa Mandaluyong City nitong Miyerkoles ng gabi.

Ayon sa tagapagsalita ng pamilya at pamangkin ng direktor na si Patrick Mabilog, nakita raw si Ho na wala nang buhay malapit sa hagdan ng isa sa mga kaibigan nito bandang 10 p.m.

"According to initial reports, he might have had a heart attack or stroke," saad ni Mabilog nang makausap ng GMA News Online sa telepono.

Hindi raw ito ang unang beses na na-stroke ang kaniyang tiyuhin.

"A few months back, he had a mild stroke sa stairs din ng bahay," sabi nito.

Naospital daw si Ho matapos nito at bumuti naman daw ang kalagayan nang makalabas, ayon sa mga kaibigan ng direktor.

"It was really a shock na ganu'n ang nangyari," sabi pa ni Mabilog.

"We never expected that it is so soon. He is at the peak of his career. We talked about getting films and awards. He really had an ambition to be in film. Sayang kasi marami pang gagawin," dagdag ni Mabilog tungkol sa direktor.

Hindi naman daw nababalewala ang iniwang alaala ng direktor. "It did not go to waste, he had a good run."

Samantala, nagsagawa naman ng imbestigasyon ang SOCO ng Eastern Police District kaugnay ng pangyayari.

Hihintayin din ng pulisya ang magiging resulta ng isinagawang awtopsiya sa mga labi ng direktor.

Kilala si Ho sa mga indie film tulad ng "Silong" na pinagbidahan nina Piolo Pascual at Kapuso actress Rhian Ramos. — May dagdag na ulat si Amita Legaspi/FRJ/JST, GMA News