Labis daw na nae-enjoy ni Dennis Trillo bago niyang pinagbibidahang primetime series na "The One That Got Away" na light comedy-romance ang tema. May ilang eksena nga raw sa serye na naranasan niya sa tunay na buhay.

Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabing kilig ang hatid sa mga kababaihan ng karakter ni Dennis na si Liam dahil sa kaniyang pagiging perfect gentleman.

"Hindi ko naman sinasabing relatable ako sa kaniya [Liam] dahil hindi naman ako perfect. Tina-try ko na maging perfect at lahat nu'ng mga magagandang qualities na kailangan kong ilagay du'n sa character na 'yun, ini-inject ko," paliwanag niya.

Nae-enjoy daw ni Dennis ang pagiging light romance-comedy ng serye lalo na sa mga eksena na kasama niya sina Lovi Poe, Max Collins at Rhian Ramos.

"Every taping may mga ibang makukulay na mga eksena kaming ginagawa. Dahil magkaka-iba sila ng personalities eh, so 'yung character ko, nag-a-adjust sa bawat isa sa kanila," kuwento niya.

May mga eksena rin daw malapit sa mga karanasan niya sa tunay na buhay.

"Importante 'yung nakaka-relate ka sa mga eksena para magamit mo 'yung mga experience mo and makita na mas natural lumalabas 'yung mga ginagawa n'yong eksena," saad ng aktor.

Nang tanungin naman kung may balak na ba siyang magpakasal, tugon niya, "Hindi pa siguro soon pero malalaman n'yo rin 'yon kapag nangyari na. Huwag na lang silang mainip at darating din 'yun. Makikita n'yo rin 'yung gusto n'yong makita." -- FRJ, GMA News