Standing ovation ang ibinigay ng mga manonood para kay Kapuso singer Aicelle Santos at sa buong cast para sa kanilang makabagbag-damdaming pagganap sa "Himala: Isang Musikal."

Sa press preview ng naturang musical, mismong ang orihinal na si "Elsa" na si Nora Aunor ay napahanga at nagpahayag ng kaniyang papuri sa buong cast.

Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa 24 Oras nitong Sabado, aminado si Aicelle na hindi nawala ang kaniyang kaba dahil nanonood ang "Superstar."

Nasa preview din sina Ricky Lee at Vincent de Jesus, ang mga sumulat ng obra sa pelikula at sa musical na parehong napahanga rin sa show.

"Kinilabutan daw siya. Siguro naalala niya 'yung Elsa days niya habang ginagawa nila 'yung pelikula, maaari. But to hear that from her, kinilabutan din po ako! Very happy kaming lahat," sabi ni Aicelle.

"Kung nakakakanta nga lang ako talagang, diyos ko, buong puso kong tatanggapin kung i-o-offer sa akin itong Himala na musical. Kaya congratulations du'n sa mga artista na napili dito para gumanap," ayon naman kay Ate Guy.

Sa kanilang curtain call, napaiyak din ang cast nang maalala ang lahat ng pagod na ibinigay nila para mapaganda ang restaging ng musical.

"It's overwhelming at saka, siyempre, nu'ng nakikita namin 'yung mga tao, talagang nangingilid din po  'yung mga luha namin kasi hindi namin alam na masusuklian po ng palakpak 'yung aming pinaghandaan," dagdag pa ni Aicelle. —Jamil Santos/ALG, GMA News