Masayang inihayag ng mag-asawang Gladys Reyes at Christopher Roxas na "first and last" nila ang isa't-isa. Nagsimula ang kanilang pag-iibigan noong teenager pa lang sila habang magkasama sa isang sikat na soap noong dekada 90's.

Sa programang "Tonight With Arnold Clavio," ikinuwento ni Christopher na hindi agad ang mukha ni Gladys ang una niyang napansin sa kanilang sa aktres habang magkasama sila sa trabaho sa taping ng soap.

"'Yung totoo, ang unang-unang napansin ko sa kaniya, kasama ko mama ko sa taping, sabi ko, 'Ma, tingnan mo 'yung isang bida oh, ang laki ng puwet.' Tapos sabi niya, 'Ano ka ba? Sexy 'yan noh,'" natatawang kuwento ni Christopher patungkol kay Gladys.

At kahit madalas na kontrabida at galit si Gladys sa kaniyang role, sabi ni Christopher, "Mabait naman talaga siya, kumbaga, people person naman siya eh. Madali siyang makipagkaibigan."

Ayon naman kay Gladys, napansin niya ang noon pa man ang kaguwapuhan ni Christopher, pero "bata" raw ito para sa kaniya.

"Napopogian ako sa kaniya, pero hindi ko pa masabi nu'n na attracted ako. Nag-uusap kami nu'n ni Judy Ann [Santos]. Sabi niya, 'Chic crush ka ni Eris (pangalan ng character ni Christopher sa serye). Sabi ko naman kay Judy Ann, ang first impression ko naman sa kaniya, sabi ko, 'Ay! Ang bata," kuwento ng aktres.

Patuloy pa ni Gladys, napapansin niya na pasimpleng binabantayan siya ni Christopher tuwing break time.

"Para bang binabantayan niya ako ng pasimple. Nakikita ko nagkakara-karate sa hangin. So sa isip-isip ko, 'Hmm bata pa talaga ito, naglalaro pa ng karate sa hangin,'" patuloy niya.

Ikinuwento ni Christopher ang kaniyang tradisyonal na panliligaw kay Gladys, at kung paano siya nagpapansin sa dalaga sa set hanggang sa mapasagot niya ito. Panoorin ang buong panayam sa video na ito ng "TWAC."

Click here for more GMA News Public Affairs:

-- FRJ, GMA News