Mapapasabak sa aksyon sina Mark Herras at Jak Roberto sa bagong Kapuso series na "Contessa" na kabibilangan ni Glaiza De Castro.
Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa "24 Oras" nitong Biyernes, sinabi ni Jak na hamon para sa kaniya na makatambal si Glaiza.
Labis ang paghanga ni Jak nang makita ang husay ni Glaiza sa matinding drama.
"Sobrang husay ni Ms. glaiza so nakakatulong sa akin 'yun para galingan ko rin and makasabay sa kung anong ibinibigay ni Ms. Glaiza," ayon kay Jak.
Gaganap naman sa isang espesyal na papel si Mark bilang si Marco, na dapat na mapapangasawa ng karakter ni Glaiza na si Bea.
Ang hindi inaasahang magaganap bago ang nakatakda nilang kasal ang magpapabago umano sa buhay ni Bea.
"Dapat nilang abangan 'yung character ni Marco and ni Bea kung bakit ba nagkaroon ng Contessa, kung bakit nagkaroon ng part ng story na nagagalit si Glaiza," sabi ni Mark.
Kabilang din sa "Contessa" si Lauren Young ang magiging kontrabida sa buhay ni Bea. --FRJ, GMA News
