Sa panayam ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," nagbigay ng ilang detalye si Mark Bautista kaugnay sa laman ng kaniyang libro na "Beyond the Mark." Kabilang dito ang pagiging bisexual niya at ang insidente na muntik na siyang maabuso ng kaniyang pinsan noong bata pa siya.

Sa ulat ni Lhar Santiago sa GMA News "Unang Hirit" nitong Lunes,  ipinaliwanag ni Mark ang nangyari nang muntik na siyang maabuso ng kaniyang pinsan na sa pagkakatanda niya ay anim o pitong-taong-gulang lang siya.

"I would consider it more of an assault," sabi ni Mark. "May pressure, naging aggressive 'yung distant cousin ko, in-expose niya 'yung sarili niya sa akin, parang pinipilit niya ako [na] to do a sexual act."

Dahil sa nangyari, hiningan si Mark ng pahayag kung ano ang maipapayo niya kaugnay sa naging personal niyang karanasan.

"Just be careful with the people that surround your kid. Kilalanin siguro yung mga taong nakapaligid sa mga anak niyo," payo niya.

Dahil na rin sa paglalabas niya ng kaniyang libro, inihayag din ni Mark ang kaniyang tunay na kasarian.

"I love both sexes. Yes, (i'm a) bisexual. And sinabi ko naman sa book na parang if God will give me the right person, I would gladly embrace that," sabi ng singer-actor.

Ayon pa kay Mark, malaking bahagi ng ginawa niyang pagsisiwalat sa kaniyang tunay na pagkatao nang makausap ang kaniyang idolo na si Anderson Cooper, na isang broadcast journalist sa US.

"Nung nag-meet na kami sa New York, shinare [share] ko yung story, sabi niya talaga, mahirap 'yan, especially sa country natin na medyo conservative. It takes time at hindi 'yun madali. Kailangan kong maramdaman if it's the right time, and if your heart tells you so," kuwento ni Mark.

Pagdating kay Regine Velasquez, sinabi ni Mark na malaking inspirasyon sa kaniyang career ang Asia's Song Bird kaya naglaan ako ng isang pahina para sa kaniya.

At ang aral na iniwan daw ng kaniyang karanasan sa buhay; "Life is a continuous journey, and a continuous learning experience. Just enjoy every moment and embrace every failure in life. Trust your journey, trust God's process." -- FRJ, GMA News