Matapos ang panayam niya kina Drew Barrymore at Tim Olyphant, inalis ng Kapuso host na si Lyn Ching ang kaniyang hikaw para ibigay sa Hollywood actress.

Sa Chika Minute report sa "24 Oras" nitong Lunes, sinabing balik-Pilipinas si Drew at Tim para i-promote ang second season ng kanilang series na "Santa Clarita Diet" sa streaming service na Netflix.

Taong 2016 nang huling dumalaw sa Pilipinas si Drew, habang si Tim ay napag-alaman na sandaling nanirahan sa bansa kasama ang kaniyang pamilya noong bata pa siya.

Samantala, markado naman kay Drew ang mga pagkaing Pinoy na lumpia at adobo.

Nang tanungin kung ang dalawang pagkain ang naging paborito niya nang bumisita siya sa Pilipinas noong 2016, sabi ni Drew, may mga kaibigan siyang Filipino sa Amerika na nagbibigay sa kaniya ng mga pagkaing Pinoy.

"I have many friends in America that are Filipino and they would make it for me," kuwento ng aktres.

Matapos ang panayam, tila hindi napigilan ni Drew ang sarili na hindi pansinin ang hikaw na suot ni Lyn.

"I am desperate for her earrings," sabi niya.

Dahil idolo raw ni Lyn si Drew kahit noon pa, inalok niya sa aktres na ibibigay ang hikaw kung nais nito bilang regalo.

Ikinatuwa naman ito ni Drew.

Sa hiwalay na ulat ng GMA News "Saksi," sinabing isinuot ni Drew ang hikaw na bigay ni Lyn sa sa dinaluhan niyang red carpet event kaugnay sa pag-promote sa kanilang series.

Sinabing masaya si Drew sa mainit na pagsalubong sa kaniya ng Pinoy fans. -- FRJ, GMA News