Kakaibang kuwento ng pag-ibig na may kurot sa puso ang ihahandog ng upcoming Primetime series na "Extraordinary Love."

Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, sinabing mapapasabak naman ngayon sa matinding drama ang Kapuso young star na si Mikee Quintos, kasama ang ilang bigating artista tulad ni Nora Aunor.

"I feel so lucky na isang Nora Aunor makakatrabaho ko," sabi ni Mikee.

Matatandaan na sumabak sa aksyon na may kasamang light comedy si Mikee bilang si Lira sa "Encantadia," at gayundin sa "Sirkus," bilang si Mia.

Sa primetime series na "Sherlock Jr.", binibigyan boses naman ni Mikee ang wonder dog na si Serena.

Makakatrabaho rin muli ni Mikee sa "Extraordinary Love" si Kate Valdez, na gumanap noon bilang Mira sa "Encantadia."

Gagampanan ni Kate ang role na karibal na half-sister ni Mikee.

"It's something different for us. Dito makikita na siguro nila 'yung pag-aaway and 'yung magkakatapatan namin ni Kate na mabait at masama," sabi ni Mikee.

Samantala, naghahanda na raw si Kate para sa kaniyang karakter at gusto nga raw niyang humingi ng advice sa iniidolo niyang si Glaiza de Castro.

Ang "Extraordinary Love" ay pamamahalaan ni direk Gina Alajar, at kabibilangan nina Cherie Gil, Gardo Versoza, Adrian Alandy, Vaness del Moral, Rochelle Pangilinan, Enrico Cuenca at ang nagbabalik Kapuso na si Wendell Ramos.

Ipinakikilala naman si Jo Berry, na gaganap bilang si Onay, ang magiging nanay ng karakter nina Mikee at Kate.

"Hindi lang 'yung buhay ko 'yung mababago kundi lahat din ng buhay ng differently-abled people na makakapanood. Gustong-gusto ko po na mai-inspire ko po sila," ayon kay Jo.-- FRJ, GMA News