Muling pinag-usapan ng netizens ang pinakabagong naked photos ng showbiz couple na si Aubrey Miles at Troy Montero. Bagaman marami ang humanga, mayroon ding mga pumuna.

Sa bagong larawan na ipinost nila sa kanilang Instragram accounts, kapwa walang saplot sina Aubrey at Troy habang nasa isang beach sa Palawan.

May kuha si Aubrey na nakaupo sa beach at nakadapa naman si Troy. May isa pang malayong kuha ang aktres nakatayo at bahagyang naka-side view na wala pa ring saplot sa katawan.

May mga netizens na humanga sa sexy and fit body ni Aubrey. Pero may mga pumuna rin kung bakit ginagawa ito ng dalawa at kailangan pang ilagay sa kaniyang social media accounts.

Ang kapatid ni Troy na si KC, gumawa ng edited version ng naturang naked picture ng dalawa na tila inatake ng isang halimaw.

Nilagyan pa ni KC ng mga hashtag ang kaniyang ginawa ng  #NotThisAgain, #PutItAway, #WhereisMom, #PleaseDontEncourageThem, #IHopeAJellyFishStingsYoWiener, #IHopeYouGetArrestedNaked, at #ICantWithYou.

Sa ulat ni Aubrey Carampel sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabi ni Aubrey na wala siyang nakikitang masama sa pagpo-post nila ng kanilang hubad na mga larawan.

"Sinasabi nila, 'Why do you have to post?,' sinasabi ko, 'Well because we can,'" sabi ng aktres sa phone interview. "We're old enough for an adult na kung ano ang gusto namin i-post at saka we actually do this everytime we travel."

Sinabi rin ni Aubrey na sinisigurado nilang walang ibang tao kapag nagpi-picture sila nang walang saplot sa katawan.

"Wala namang bawal na unless binastos mo 'yung tao dito or na may mga ibang tao," saad pa niya. -- FRJ, GMA News