Ang grupong "Philippine Island Assassins" ang itinanghal na grand winner sa "The Wil To Win" ng "Wowowin," na ang premyo ay nagkakahalaga ng P2 milyon.

Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa "24 Oras" nitong Biyernes, sinabing bumilib ang mga hurado sa breathtaking pero heartwarming na performance ng grupo na gumamit pa ang isang giant wheel bilang props na may mensaheng world peace.

"Meron po kaming nag-aadvise po sa sa amin na mga kaibigang pastor na lahat po ng performance namin sa wowowin na nakasulat sa bibliya," ayon sa tagapagsalita ng grupo.

Sulit daw ang lahat ng kanilang pagod at sakripisyong pinagdaanan sa kanilang mga ensayo matapos nilang daigin ang 26 na pang mga kalahok.

Sa three part "Wowowin" special, itinampok ang iba't ibang talento ng mga Pinoy mula sa pag-awit, pagsayaw, mga makapigil-hiningang acrobatic acts, magic tricks, at iba pa.

Nakuha ng yoyo master na si Macky D Spinner ang 1st runner-up na may premyong P300,000, at 2nd runner-up ang love wins duo na nakatanggap naman ng P200,000.

Nagsilbing mga hurado sina GMA Films President Annette Gozon, GMA First Vice President for Program Management Joey Abacan, direktor na si Bert de Leon, entertainment columnist na si Ricky Lo, Ruffa Gutierrez at ang bagong Kapuso na si John Estrada.-- FRJ, GMA News