Celebrity Life

Ogie Alcasid, ikinuwento kung paano sila nagkaayos ni Kris Aquino

By ANN CHARMAINE AQUINO

Tulad ng ibang mga Kapuso stars, hindi rin naitago ng OPM songwriter/singer na si Ogie Alcasid ang kanyang lungkot sa sinapit ng SAF 44.

"Hindi natin makakalimutan 'yun e. Lalong lalo na 'yung mga kamag-anak nung mga nasawi e," pahayag ni Ogie.

Kasabay ng kanyang pahayag patungkol sa SAF 44, sinagot rin ni Ogie ang kumakalat na balita sa naging post nila ni Regine Velasquez sa kanilang Instagram account na naging sanhi ng pag-unfollow ni Kris Aquino sa kanila.

Ayon sa ulat ni Lhar Santiago, nakapag-usap na sina Kris at ang mag-asawang Ogie at Regine. Dito nilinaw ni Ogie na nag-post lang si Regine ng kanyang mensahe ng pakikiramay sa mga pamilya ng SAF 44. Bilang sagot, nag-sorry si Kris sa kanila dahil nadala lang umano ito ng kanyang emosyon at sulsol ng ibang kaibigan kaya nagawa niyang i-unfollow ang dalawa sa Instagram. Kasunod nito, nagpasalamat pa umano si Kris sa kanila.

Ikinuwento rin ni Ogie na bilang Pangulo ng Organisasyon ng Pilipinong Mang-aawit (OPM), may isang proyektong pinag-uusapan ang kanilang organisasyon para makatulong sa mga pamilyang naiwan ng SAF 44.

"A fund raising for the victims of the Fallen 44."