Celebrity Life

Winwyn Marquez, nakaranas ng postpartum depression

By Kristian Eric Javier

Kapansin-pansin ang maganda pa ring figure ng aktres at TV host na si Winwyn Marquez matapos nitong ipanganak ang kaniyang baby girl na si Luna. Pero ibinahagi nito na isa sa mga dahilan ng kaniyang magandang figure ay ang pagkakaroon ng postpartum depression.

“To be honest, ito ano lang, totoo lang, kasi na-experience ko 'yung postpartum depression. Ang effect sa'kin was, nawalan ako ng gana kumain,” pagbabahagi ni Winwyn sa interview niya sa online entertainment show na "Marites University."

Sabi ng aktres, noong siya ay nagpapa-breastfeed sa kaniyang anak na si Luna, umabot sa punto na wala siyang nabibigay na gatas sa kaniyang baby. Dito na niya naisip na kailangan niyang kumain.

“Parang punishment, parang feeling ko na-guilty ako,” sabi nito.

Nilinaw naman ng aktres na hindi maganda ang ginawa niyang iyon at nang sabihan siya ng kaniyang doktor na kailangan maging healthy ay saka siya sumunod sa isang healthy diet at work out.

“May kausap 'yung doctor ko kinakausap ako para 'yung mental health ko maging okey,” sabi nito.

Ayon kay Winwyn, inabot din ng apat hanggang limang buwan ang ginawa niyang breastfeeding ngunit dahil konti o minsan ay wala siyang gatas, pinapakain niya rin ng milk formula ang anak.

Dagdag pa ng aktres at mommy ay naging malaking tulong ang suportang natanggap niya mula sa kaniyang partner na siyang naghuhugas ng mga bote at nakabantay sa kaniya.

“So talagang nakabantay siya sa'kin kasi umiiyak na'ko gabi-gabi. Meron kasing time na ito na lang ba 'yung life ko? Ok lang ba 'yung anak ko?' 'Yung mga ganung moments,” sabi nito.

Bukod pa sa partner niya, sa kaniyang mga magulang, at mga kaibigan, nakakuha rin siya ng emotional support mula sa mga nakakausap niya na mga mommy online.

“Kasi nagpo-post ako ng experiences ko postpartum e, may nagme-message din sa'kin mga mommies. Kinakausap ko din sila, nagshe-share ng mga experiences so ang dami kong nakausap online also na ganun din pala 'yung napagdadaanan nila,” kuwento nito.

Aminado si Winwyn na hanggang ngayon ay meron pa rin siyang “mom guilt,” lalo na 'pag naiiwan niya si Luna sa bahay para sa trabaho. Pero nilinaw din niyang well-adjusted na siya.

“Yes, kasi sabi nga nila, kailangan bumalik ako, back on track, hindi puwedeng naka-shelter lang palagi. Parang sense of normalcy siguro 'yun,” sabi nito.