Celebrity Life

Judy Ann Santos, tinuruan ang anak na si Yohan mag-commute papunta sa school

By Kristian Eric Javier

Dahil malapit na ang pasukan, naisip ng aktres na si Judy Ann Santos na turuan ang kaniyang anak na si Yohan kung papaano mag-commute papunta at pauwi ng school.

Sa Instagram stories ni Judy Ann, makikitang nakasakay ang dalawa sa isang sasakyan at ayon sa text sa video, ay nasa jeep silang mag-ina.

“E-jeep kami! Woohoo! Yes, kailangan niyang malaman kung ano ang ruta nitong jeep na sinasakyan namin to go around school,” sabi ni Judy Ann sa video.

“So yes, naka-jeep kaming mag-ina. Woohoo!”

Sa sumunod na story, sinabi ng aktres na sa bus naman sila sasakay pauwi.

“Next in line..bus transpo. Bakit? Dapat alam lahat ng klaseng transportasyon pauwi at papunta..tapos jujitsu training,” sabi sa text sa video.

Kailan lang ay nagtapos si Yohan ng high school at ipinahayag ni Judy Ann kung gaano sila ka-proud ng asawa niyang si Ryan Agoncillo sa recent achievement ng anak.

“My dearest buding, we are so so proud of you.. your hard work and perseverance all throughout your HS life paid off and more,” sabi nito sa post.

“[A]s you enter another chapter in your life as a college student, a lot will change.. there will be a lot of ups and downs.. but all these will make you a better and responsible person,” pagpapatuloy ng aktres.