Lotlot de Leon, nakiusap: 'Please, huwag n'yo po kakalimutan ang isang Nora Aunor'

GMA Logo lotlot de leon
Sa huling gabi ng lamay para sa yumaong Superstar at National Artist na si Nora Aunor, nagbahagi ng mga di malilimutang karanasan ang mga anak niyang sina Lotlot, Ian, Matet, Kiko, at Kenneth de Leon sa mga bisita. (Photos by Nherz Almo)

Photo Inside Page


Photos

lotlot de leon



Halu-halong emosyon ang hatid ng magkakapatid na sina Lotlot, Ian, Matet, Kiko, at Kenneth de Leon sa huling gabi ng lamay para sa kanilang yumaong ina, si Superstar at National Artist Nora Aunor.

Ang limang anak ni Nora ay may kanya-kanyang mabubuting kuwento tungkol sa kanilang karanasan bilang anak ng isang kilalang showbiz personality.

Ayon sa panganay na si Lotlot, malaki ang pasasalamat nila dahil si Nora ang kanilang naging ina.

“Pwede naman sa ibang pamilya kami mapunta, e. Pero bakit kami napunta kay Nora Aunor? That question is bigger than us because that's God's intervention already. Whatever God's plans are, I accept. And I thank Him because dahil sa mga plano Niya, siya ang nanay ko.”

Kasunod nito, naikuwento ni Lotlot ang huling mensahe sa kanya ni Nora tungkol sa kalagayan ng kanyang kalusugan, na inilihim sa kanya ng Superstar

“Si Mommy, ang galing magsikreto niya, ayaw niya talaga ipaalam sa amin. Kung hindi pa kami mangungulit, hindi niya ipapaalam,” sabi ni Lotlot.

Matapos niyang sabihan ang doktor ng kanyang ina na kailangan nilang magkakapatid na malaman ang kalagayan ng kanilang ina, nag-text umano si Nora kay Lotlot.

Emosyunal niyang binasa ang text message ni Nora: “Pinakamamahal kong Lotlot, kausap ko ang doktor ko. Magkausap daw kayong dalawa at tinatanong mo raw sa kanya kung ano ang sakit ko. Sabi ko kay doktora na sabihin sa 'yo na okay ako. Wala ka o kayo na dapat ipag-alala. Dating sakit ko lang ito at na-trigger lang noong nagkaroon ako ng ubo at sipon.

“Nagpapasalamat ako sa iyong pag-aalala. Pero huwag, kaya ko. Wala kayong dapat ikabahala. Kapag oras na ng isang tao, wala na tayong magagawa.

“May sarili na kayong pamumuhay at masaya ako dahil naging maganda ang inyong buhay, lalo na kayo ng mga anak n'yo at ikaw. Napakabuti ninyong mga anak sa mata ng mga tao at sa Diyos. Anuman ang mangyari, mahal na mahal ko kayong lahat na magkakapatid.

“Mag-iingat kayo lagi, lalo na ang mga anak mo, huwag na huwag mong pababayaan. 'Yan ang kayamanan mo, ang mga anak mo, ang pamilya mo.”

Related Gallery: Mga anak ni Nora Aunor, emosyonal sa pag-alala sa Superstar

Sa huling bahagi ng kanyang eulogy, aminado si Lotlot na alam nilang “public property” ang kanilang ina, na tinitingala ng marami lalo na sa showbiz industry.

Kaya naman, aniya, “Sa mga konting panahon na nasosolo ko ang nanay ko, sobrang laki na po ng pasasalamat ko. At sa konting mga panahon na 'yun, lahat ng mga puwede naming sabihin sa isa't isa nasasabi po namin

“She has shared her life with the public, with all of you. And I know that mom, wherever she is now, hanggang ngayon nagpapasalamat 'yun sa inyong lahat.

“Kaya, on behalf of my family, my brothers Ian, sister Matet, Kiko, and Kenneth, maraming, maraming, maraming salamat sa pagdamay ninyo sa amin. Thank you for the love that you have for our mom. Salamat po na ibinabalik ninyo ang pagmamahal na iyon sa araw na ito.”

Sa huli, nakiusap si Lotlot, “Please, huwag n'yo po kakalimutan ang isang Nora Aunor.”


Lotlot de Leon
 Ian de Leon
Matet de Leon
 Kiko de Leon
Kenneth de Leon
Imelda Papin
Jamie Rivera
 Celia Rodriguez
 Beverly Salviejo
Adolf Alix, Jr.
Ernie Garcia
 Mac Alejandre
 Nora Aunor's kids

Around GMA

Around GMA

Unang Hirit Livestream: December 17, 2025
Dawn fire razes 7 houses in Estancia, Iloilo
Japanese lifestyle brand unveils limited edition 'Evangelion' merch collection