Celebrity Life

READ: Baby plan nina Aiai Delas Alas at Gerald Sibayan, posibleng 'di na matuloy?

By Nherz Almo

Aminado si Aiai Delas Alas na sa kanyang edad na 55, hindi na magiging madali ang pagbubuntis.

Aiai Delas Alas at Gerald Sibayan

“Ayaw ko namang magpakaplastik, hindi na rin naman ako bata,” pahayag ng tinaguriang Comedy Queen nang makausap siya ng entertainment press matapos mag-renew ng endorsement contract nitong Miyerkules, November 20.

Subalit bukod sa edad, may mas seryoso pang dahilan si Aiai kung bakit ipagliliban muna o maaring hindi na matuloy ang baby plan nila ng kanyang asawang si Gerald Sibayan sa 2020--ang kanyang kalusugan.

Apat na taon nang sinusunod ng Sunday PinaSaya star ang organic lifestyle.

Ayon kay Aiai, isang epekto nito ang kakaibang reaksiyon ng katawan niya kapag kailangan niyang uminom ng gamot.

“Hanggang maaari [hindi ako umiinom ng synthetic na gamot] kasi 'yung effect sa akin ng gamot ay iba na, e--masyado nang malakas, 'yung nahihilo ako, nasusuka ako.

“So, paano yung baby? Hindi ka naman puwedeng uminom ng gamot kapag buntis ka, e.”

READ: Aiai Delas Alas postpones baby plan: "Pansamantala lang

'Tinanong si Aiai kung hindi na lamang niya ihinto pansamantala ang kanyang organic lifestyle para matuloy ang kanilang baby plan.

Hindi raw ito maaari, sabi ni Aiai, “Dahil, 'di ba, may psoriasis ako? Yung psoriasis ko, kapag nagpe-flare up siya, hindi ko na alam kung ano ang igagamot ko.

“Sa totoo lang, ang psoriasis, wala namang gamot kasi auto-immune [disease] ito.

“Kapag bumababa ang immune system mo, nagkakaroon ka.

“Kapag sobra ka sa sugar at saka sa fats, magkakaroon ka rin.

“At saka kapag may sakit ka inside, magkakaroon ka rin.

“'Yon ang mga naaral ko na sa tagal nang meron ako nito.”

Nagsimula raw makontrol ni Aiai ang kanyang psoriasis nang subukan niyang sundin ang isang cookbook para sa mga may kondisyon sa balat ng katulad sa kanya.

Kwento niya, “Nag-try kasi ako ng lahat ng gamot sa psoriasis, parang [sumisikip] 'yung lungs ko, hindi ako makahinga.

“So, sabi ko, mamamatay ako rito kung ipagpapatuloy ko ang kakainom ng kung anu-ano.

“So, triny ko 'yung cookbook para sa mga psoriasis. Ngayon, noong sinunod ko 'yon, para talaga siyang binura ng eraser. Para talaga siyang binura.”

Hindi ikinaila ni Aiai na mahal ang organic lifestyle, “Pero mas mahal ang gamot,” sambit niya.

“Yung gamot na sinasaksak sa akin, PhP200,000 'yon! Isang [turok], 'tapos na, 'Ha, 'tapos na po?'”

Para raw itong maintenance na kailangan niyang gawin buwan-buwan.

Kaya raw inirerekomenda niya ang organic lifestyle sa mga may auto-immune disease kaysa sa paggamit ng synthetic na gamot.

“Lahat puwede siya. Parang tingin ko, sabi nga ano, 'Your food is your medicine.' Totoo po 'yon.

“Sa akin, nangyari 'yan sa totoong buhay, 'yung food po, 'yun ang gamot ko.”

Sa huli, tinanong si Aiai kung posibleng hindi na matuloy ang baby plan nila ni Gerald.

Natahimik si Aiai sandali at sinabing, “Parang naluluha ako ngayon. Parang nararamdaman ko ngayon. Parang naiiyak ako.

“Sinasabi ko lang sa inyo [na puwede pang maayos] kasi niloloko ko ang sarili ko, niloloko ko lang kayo.

“Pero in real life, wala na, hindi na.”

Gayunman, hindi nawawalan ng pag-asa si Aiai na magkakaroon pa rin sila ng anak.

Pahayag niya, “Hayaan mo, mangyayari at mangyayari 'yon. Magkakaroon at magkakaroon kami ng baby.

“Makikita n'yo na lang na mayroon kaming, 'Uy, bibinyagan na 'yung anak namin.'

“Kahit anong paraan basta kahit sa anong paraan magkakaroon kami ng baby.”

Alamin ang iba pang detalye tungkol sa psoriasis sa episode na ito ng Pinoy MD: