Celebrity Life

Chariz Solomon, pabor sa online schooling para sa kanyang mga anak

By Jansen Ramos

"Definitely yes."

Ito ang mabilis na sagot ni Chariz Solomon nang tanungin siya ng isang fan kung sang-ayon ba siya sa online schooling na ipapatupad ng Department of Education (DepEd) sa pagbubukas ng bagong school year sa Agosto.

Ayon sa Kapuso star, na may dalawang anak na sina Apollo at Ali, mas mainam ang virtual learning dahil hindi pa ligtas lumabas ang mga bata sanhi ng ng lumolobong kaso ng COVID-19 sa bansa.

"Kung tayo ngang mga adults, 'di ba takot na takot tayo lumabas, lalo siguro kung para sa mga anak natin na ayaw nating lumabas.

"So okay naman basta accredited naman ng DepEd ang kanilang online school. Mag-start na rin sila," pahayag ni Chariz sa Q & A portion ng Facebook Live niya para sa Descendants of the Sun noong Huwebes, July 23.

Dagdag pa ng actress/comedienne, mas matutukan pa niya ang kanyang mga anak kapag sila ay nasa bahay.

"Kailangan talaga matutukan ko sila sa bahay, so alam kong extra work sa 'ting mga parents pero wala naman tayong ibang choice kasi ayaw naman nating silang lumabas pa muna," ani Chariz.

"'Di pa naman talaga safe so okay ako sa online classes," diin pa niya.

Ayon sa televised public briefing ni Education Secretary Leonor Briones, kasama si Presidential Spokesperson Harry Roque noong Martes, July 21, inaprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang limited face-to-face classes sa mga low risk area sa susunod na taon.

Gayunpaman, hindi ito automatic sa lahat ng academic institutions dahil kailangan pa ring humingi ng permiso sa DepEd ng mga interesadong paaralan sa ganitong setup.