Celebrity Life

Marco Alcaraz, nag-share ng ilang 'asawa tips'

By Marah Ruiz

Sampung taon nang kasal ang aktor na si Marco Alcaraz at kanyang beauty queen at actress wife na si Lara Quigaman.

Kaya naman minarapat ni Marco na magbahagi ng ilang mga bagay na natutunan niya sa loob ng sampung taon nilang pagsasama.

Source: marcoalcaraz IG

Ibinahagi ni Marco ang ilan sa kanyang mga "asawa tips" sa kanyang Instagram account.

Mapagbiro man ang tono ng mga post ni Marco, marami namang mapupulot mula sa mga ito.

Naging mahalaga daw para sa kanya ang pagbibigay ng sapat na oras para sa isa't isa. Bukod dito, mahalaga din daw ang komunikasyon.

"Ang magandang pagsasama ng mag-asawa ay ang pagbibigay ng mas maraming oras sa pakikinig kesa sa pagsasalita. Kaya pag may sinabi ang asawa mo “Yes Boss” lng ang sagot mo.. Walang ibang sagot kung hinde “yes boss” Tingnan nyo mukha ni Lara masayang masaya dba? #HappyLaraHappyMarco #HappyWifeHappyLife," sulat niya.

Nagbigay din si Marco ng opinyon niya tungkol sa usapin ng pera.

"Malalaman mo na masaya ang pagsasama nyo mag-asawa kung may respeto, tiwala at hindi pinag-aawayan ang pera. Kaya pag pera ni Mrs pera nya yun at kapag pera ni Mr pera parin ni Mrs yun. ayus ba?" aniya.

Dapat din daw matutong umamin ng mga pagkakamali ang mga-asawa.

"Asawa Tips : Kapag mali mo, mag sorry ka. Kapag mali niya, mag sorry ka pa din. Bawal kang manalo ha. Bawal! #happywifehappylife," biro niya.

Hindi rin daw dapat patagalin ang mga pagtatalo sa pagitan ng mag-asawa.

"Normal lng sa mag-asawa ang mag away at magkatampuhan. Pero siguraduhing pag-usapan kaagad ito para hindi na lumaki at lumala ng todo. Kasi pag lumaki at lumaki ang tiyan buntis na po yan. Gets nyo ba? Ang gulo.. ako rin nagulohan," sulat niya.

Taong 2011 nang ikasal sina Marco at Lara sa isang civil ceremony sa Vancouver, Canada.

Nagdaos din ang mag-asawa ng Christian ceremony sa Pilipinas noong 2012.

Nabiyayayan naman sila ng tatlong anak na sina Noah, Tobias at Moses.

Samantala, kilalanin ang kanilang bunsong anak na si Moses na dumating sa kanila sa panahon ng pandemya sa gallery na ito.