Celebrity Life

LJ Reyes, tine-train na maging mature ang panganay na si Aki

By Jansen Ramos

New stage ng pagiging ina para kay LJ Reyes ang pagkakaroon ng pre-teen na anak. Sampung taong gulang na ang panganay niyang si Ethan Akio o Aki.

Ani ng aktres sa isang online media conference, tinuturuan na niya si Aki na maging mature bilang paghahanda sa posibilidad na mangyari sa hinaharap.

Ika ni LJ, "Iba talaga ang experience ng mga bata every stage of their life, iba-iba talaga. Merong maganda every stage at meron ding mahirap.

"Siyempre, ngayon is just another stage of Aki. Ngayon lang talagang pandemic, talagang as much as you should have built and installed 'yung character nila, younger years like around four, five ganyan, ngayon kakaibang character building kasi adolescent period na.

"So kailangan talaga hindi na sila bine-baby. You are really preparing them for the future."

Nais daw ituro ni LJ kay Aki na mayroon itong responsibilidad sa kanyang nakababatang kapatid na si Summer Ayanna.

Patuloy ng mom of two, "Hindi basta-basta comfort-comfort lang. At the same time, natuturuan mo din sila kasi it's a very different time tapos in the future baka mangyari ulit pero hoping na maging better naman sana.

"Pero eventually he will have his own family, 'di ba, saka natatakot kami na kung paano may mangyari sa amin, paano silang magkapatid."

Dugtong ni LJ bilang paglilinaw, "'Di naman sa pine-pressure namin si Aki pero we just want to teach him kasi siya 'yung mas aware.

"Lahat naman ng stage mahirap e, it's just something new for me."

Hindi naman daw ibig sabihin nito ay hahayaan na niya si Aki kapag lumaki na ito at gumawa ng sarili nitong buhay.

Paliwanag ni LJ, "We will always be mothers and as much as we bore our children for nine months inside our body pero sa totoo lang, habambuhay na andito kami bilang nanay.

"I think we will always carry our children.

"'Di totoo na kapag they departed your house na magkakaroon na sila ng sariling pamilya e titigil 'yung pagiging nanay mo.

"Lagi ka lang nanay sa kanila, siyempre iba-iba lang 'yung action, 'yung mode pero lagi kang magiging nanay sa kanila."

Anak ni LJ si Aki sa aktor at kapwa StarStruck graduate na si Paulo Avelino.

Isinilang ni LJ noong January 2019 ang kanyang ikalawang anak na si Summer Ayanna sa partner niyang si Paolo Contis.

Tingnan ang kanilang larawan dito: