Celebrity Life

Candy Pangilinan, nagbahagi ng mga hamong kinakaharap bilang ina na may neurodivergent child

By Aimee Anoc

Walang hihigit sa pagmamahal ng isang ina. Gaano man kahirap, gagawin nito ang lahat para maibigay ang pagmamahal at pag-aaruga na kinakailangan ng anak.

Ganyan si Carmela Pangilinan or mas kilala sa showbiz bilang Candy Pangilinan sa anak na si Quentin Alvarado, isang neurodivergent child.

Natutunan ni Candy na mas maging malakas lalo na't mag-isa niya lamang na pinalalaki ang anak at isa rin siyang working mom.

Sa episode ng “Share Ko lang” ni resident psychologist Dr. Anna Tuazon, ibinahagi ng aktres ang mga hamon na kinakaharap niya bilang isang magulang ng anak na may espesyal na pangangailangan.

Unang nagpakonsulta si Candy sa eksperto tungkol sa kondisyon na ito ng anak noong siyam na buwan pa lamang si Quentin at mapansin na wala itong eye coordination.

Nang malaman ng aktres ang espesyal na kondisyon ng anak ay hindi niya kaagad ito natanggap.

“Hindi nag-sink sa akin na “Ay, habambuhay ito. Akalo ko 'yung parang one year lang. After one-year okay na.” 'Yung ganu'n or paracetamol, 'pag ininom, magaling na, Ganu'n. Hindi nag-sink in sa akin 'yun,” pagbabahagi ni Candy.

“Parang tinanggap ko na siya pero siyempre mayroon kang pain, may hurt. Hindi na ako masyadong nag-denial. Ang pinaka-denial ko na lang yata is gusto ko lang makarinig nu'ng pinakamagandang diagnosis from every doctor kaya nag-doctor hoping ako,” dagdag pa ng aktres.

Ngunit ano nga ba talaga ang diagnosis kay Quentin? Hindi rin malinaw para kay Candy ang diagnosis sa anak dahil mayroon itong Autism Spectrum Disorder (ASD) at Attention Deficit Hyperactivity Disorder (ADHD).

“Hindi ko alam talaga, e. But he really has ADHD. Sabi ko nga, “Doc, ano ba talaga ang diagnose ni Quentin?” Tinanong ko lang 'yan, e. Kailan ba? Two years ago, before the pandemic nangyari. Sabi niya, “He still has ADHD. Autism is there pero hindi ganu'n kalakas pero mas malakas 'yung ADHD niya. But the Autism is there,” ayon kay Candy.

Dahil sa lumalaki na si Quentin, bagama't may espesyal na pangangailangan ay sinisiguro ni Candy na natuturuan niya pa rin ang anak na kumilos nang naaayon sa edad nito. Habang tumatagal ay mas nadidiskubre ni Candy ang iba niya pang kakayahan sa pagpapalaki ng kanyang anak.

“Actually, hindi na siya baby. That's what I'm trying to do right now, to teach him na, 'You have to act mature kasi you are already 17 years old. You are not a baby anymore. Although your mental age is 8 or 9 years old, but then your physical, the way you look is not 8 and 9 years old,'” paliwanag ni Candy.

Kinakailangan din para sa isang ina ang mahabang pasensya lalo na't ang ganitong klaseng kondisyon ng bata ay madalas na nagiging sumpungin. Kahanga-hanga ang disiplina na ibinibigay ni Candy sa anak para matuto ito na hindi sa lahat ng oras ay pagbibigyan siya sa kung ano ang gusto.

Hindi rin nawawala sa kanya ang palaging pagdarasal at paghingi ng gabay mula sa mga eksperto. Sinisiguro niyang naipararamdam niya sa anak na hindi ito nag-iisa, na palagi siyang naririyan para sa kanya. Nagsisilbi siya hindi lamang bilang ina ni Quentin kundi maging kalaro at guro nito.

“So nagkaroon kami ng ganu'ng relationship ni Quentin na maliban sa mom niya ako, playmate niya ako, alam niya kung kalian niya ako teacher. May ganu'n kaming dalawa. Kasi ang feeling ko kulang 'yung oras na three hours a week or four hours a week sa OT… Alam mo 'yun, feeling ko kulang,” pagtatapos ng aktres.

Ipinaliwanag ni Dr. Anna Tuazon, isang resident psychologist, na humaharap talaga sa mga ganitong sitwasyon ang isang ina na kailangang magmatigas, mahirap man, ngunit kinakailangan para matuto ang kanilang mga anak. Hindi dahil sa matigas lang talaga ang ulo ng mga batang may ganitong klaseng kondisyon kundi mayroon silang espesyal na pangangailan.

“You just need to find your tribe. 'Di ba? It is not that there's anything wrong with you, right? And as you said, kasi they are all kids, it is not they're evil, bad people… If it gives us a sense of, “Ito ang puwede nating gawin. Hindi lang siya matigas ang ulo. There's really something there,” paliwanag ni Dr. Tuazon.

Mas kilalanin pa ang aktres na si Candy Pangilinan sa gallery na ito: