Celebrity Life

Ryan Agoncillo, ikinuwento ang adoption nila ni Judy Ann Santos kay Yohan

By Aimee Anoc

Ipinagdiwang noong Linggo, November 7, nina Ryan Agoncillo at Judy Ann Santos ang 17th birthday ng kanilang panganay na si Yohan Agoncillo.

Sa "Bawal Judgmental" segment ng Eat Bulaga nitong Martes, ikinuwento ni Ryan kung paano dumating si Yohan sa kanilang pamilya.

Ayon kay Ryan, 26 years old pa lamang noon si Judy Ann nang mag-file ng legal adoption papers para kay Yohan at naaprubahan ito makalipas ang apat na taon kung saan pareho na silang nasa 30s.

"Gusto sana namin noong umpisa pa lang ako na iyong mag-adopt pero hindi pupuwede kasi may due process. Ang nangyari kasi kay Yohan, ang una dapat magpa-file ng adoption si mommy Carol sana (ina ni Judy Ann).

"Si Judy kasi noong panahon na 'yon nagdadasal na talaga s'ya for a baby. Noong panahon na 'yun (adoption) barkada pa lang kami. Noong dinala na [si Yohan] noong araw na iyon, right na nahawakan na ni Judy si Yohan, iyon na 'mommy, ako na po ang mag-a-adpot.' Doon s'ya nag-text sa akin na I'm going to be a mom," pagbabahagi ni Ryan.

Apat na taon, matapos na ikasal sina Ryan at Judy Ann noong 2009, doon pa lamang napalitan ang apelyido ni Yohan mula sa Santos at naging Agoncillo.

Masaya ring binalikan ni Ryan ang unang pagkakataon na tinawag siyang "daddy" ni Yohan.

"Siguro mga bandang a year and half si Yohan kinuwento sa akin ni yaya Anabelle na tinawag akong 'daddy.' Parang nakita kami sa magazine sa grocery habang nasa counter, 'Mommy, daddy (sabi ni Yohan habang itinuturo sina Ryan at Judy Ann sa magazine).' 'Naku daddy na 'yung tawag,'" kwento ni Ryan.

Itinuturing na isang malaking blessing nina Ryan at Judy Ann ang pagdating ni Yohan sa kanilang mga buhay.

Samantala, tingnan sa gallery na ito ang ilan sa masasayang larawan ni Yohan Agoncillo: