Marami raw ang sakriprisyo ng lola ni Bianca Umali para sa kanya noong nagsisimula pa lang siya sa showbiz.
Proud "lola's girl" si Kapuso actress at Mano Po Legacy: Her Big Boss star Bianca Umali.
Ang kanyang paternal grandmother na si Mama Vicky kasi ang nagpalaki sa kanya matapos pumanaw ng kanyang mga magulang.
Matatandaang five years old lang si Bianca noong pumanaw ang kanyang nanay dahil sa breast cancer. Limang taon matapos nito, namatay naman ang kanyang ama dahil sa isang heart attack.
Sa isang bagong vlog, ibinahagi ni Bianca na 11 silang mga apo na mag-isang pinalaki ni Mama Vicky.
"Actually, I didn't have a hard time because they are all good girls, saka because I love them," paliwanag ni Mama Vicky sa video.
Isa raw sa mga hindi malilimutan ni Mama Vicky ang pagsisimula ni Bianca bilang isang artista.
"'Yung kasama kitang hinahatid doon, [nagsisimula] ka pa lang sa GMA. Sumasakay tayo sa ano 'yun? MRT? Nagdyi-jeep kami para lang makapunta sa GMA kasi mayroon siyang taping sa (Tropang) Potchi," paggunita niya.
Very grateful naman si Bianca sa sakripisyong ito ng kanyang lola.
"That's how everything started for me also sa industry. Actually, natutuwa din ako how my lola supported me kasi despite her age, knowing kung gaano na kahirap para sa kanya ang mag-commute noon, sinsamahan niya ko from here going to GMA. Wala pa kaming kotse. Wala pa kaming pera actually noon," kuwento ng aktres.
Ginunita din ng mag-lola ang pasalin-salin nilang pagko-commute mula sa tricycle, jeep at train.
"Ang mahal mahal na para sa amin dati 'yung mag-taxi. Ang dami naming bitbit tapos kaming dalawa lang 'yung magkasama," ani Bianca.
Para naman kay Bianca, hindi raw niya malilimutan ang paghahanap ni Mama Vicky ng clothing sponsor para sa kanya.
"I remember, pumunta tayo ng mall and then pumasok tayo isa-isa. Do you remember this? Dinala mo 'ko, pumasok tayo isa isa sa mga store. Nagtatanong tayo ng number noong mga manager na kokontakin. Tinatanong mo kung puwede nila 'kong sponsoran," dagdag pa niya.
Noong nagsisimula kasi si Bianca sa industriya at sa kiddie magazine show na Tropang Potchi, siya lang daw ang nabibihis sa sarili niya.
"Kasi naalala ko sa mga taping namin, ako lang 'yung walang sponsor. Lahat sila, 'pag bubuksan nila 'yung mga maleta nila, naka-plastic 'yung mga damit nila. May mga accesories sila. Pero tayo, 'yung mga damit natin dati, galing palengke. Siguro dalawa lang or tatlo 'yung sapatos ko noon, pero sila lahat iba-iba 'yung kulay," lahad ni Bianca.
Kaya naman lubos ang pasasalamat niya sa kanyang lola sa suporta nito sa kanyang pangarap.
"I want to say thank you, Ma. Kung hindi rin dahil sa tiyaga mo sa akin, I don't think I would be where I am now," sambit ni Bianca kay Mama Vicky.
Panoorin ang kanilang magre-reminisce at ang pagluluto nila ng adobo sa vlog ni Bianca:
Samantala, patuloy na panoorin si Bianca sa romantic comedy series na Mano Po Legacy: Her Big Boss, Lunes hanggang Biyernes, 9:35 p.m. sa GMA Telebabad.
Silipin din bagong short hairdo ni Bianca sa gallery na ito: