Celebrity Life

Beauty vlogger Anna Cay, emosyonal na ikinuwento nang malamang may lung cancer ang ama

By Aedrianne Acar

Bumuhos ang luha nang ikuwento ng beauty vlogger at entrepreneur na si Anna Cay-Villalobos ang hinaharap na pagsubok ng kanyang pamilya.

Isa sa top trending videos ngayon sa YouTube Philippines ang latest vlog ni Anna na “things i've kept from you, how we knew about the big 'C' + how do I cope?” kung saan ibinahagi niya na tinamaan ng lung cancer ang kanyang ama.

Kuwento ng YouTuber, nalaman nila ang kalagayan ng kanyang tatay ng magkaroon ng COVID-19 scare sa kanila noong April 2021.

Pagbabalik-tanaw niya, “Come April (2021) nagkaroon ng COVID scare sa bahay, pabisi-bisita kami doon, so dapat i-test din kami.

“Ipapatest si Tatay, si Inay, kami ni Geloy tsaka 'yung mga tao sa bahay. Nagpatawag kami ng doctor para mag-swab sa amin.

“Tapos siyempre bago kasi kayo i-test, magtatanong yan kung ano 'yung exposure ninyo, kung paano kayo sa bahay ninyo, sino 'yung magkakasama, para mai-isolate o maihiwalay kung sino 'yung malaking possibility na meron. Nagtagal siya kay Tatay, nagtaka ako kasi bakit ang tagal niya?

“So naisip ko may ubo kasi si Tatay so baka kaya matagal sa kanya. Siya lang kasi 'yung may ubo sa aming lahat.”

Dito pinayuhan sila ng doktor na ipa-test pa ang kanilang ama.

Alaala ng beauty vlogger, “Yun pala si Doc, iba na 'yung pakiramdam niya. Sabi niya, 'I need to talk to you privately about this.'

“Pero hindi niya sinabi agad kay Tatay, kasi parang, siguro ayaw niya din ma-shock si Tatay o parang naramdaman niyang kinakabahan si Tatay.

“Tapos, sinabi niya sa aming magkapatid na i-try n'yo ipa-check 'yung ganito, may X-ray, marami siyang ni-request na laboratory and then he told us to seek an advice sa doctor.

“Tapos meron siyang parang nakakapa ata na bukol dito [holds something in her shoulder].”

Dagdag niya, “Na-relieve kami, kasi hindi pala COVID, pero 'yun na! Doon na bumuhos sa amin, 'yun 'yung parang buntis ako, first trimester ko, biniopsy si Tatay. Pagka-biopsy, lumabas 'yung resulta na it's lung cancer.

“And medyo advance na. So 'di ba, ang dami mo ipo-proseso.”

Pagpapatuloy niya habang naluluha, “'Yung feeling mo na parang sobrang blessed mo, sunod-sunod lahat ng blessing. Tapos biglang, para saan pa lahat yun.”

Panoorin ang kanyang vlog para sa buong detalye:

Nagdesisyon din sila ng kanyang asawang si Geloy na tumira muna sa Pasig City para makasama ang kanyang ama at pansamantalang iwan ang kanilang condominium unit sa Taguig.

Nag-iwan din siya ng paalala sa kanyang subscribers na huwag kakalimutan ang ating pinakamamahal na magulang, kahit busy tayo sa ating mga goals sa buhay.

Payo ni Anna Cay, “Ang message ko sa younger generation ngayon, alam ko nakaka-excite mag-adulting. Sino ba naman ang ayaw magkaroon ng sariling lugar, maka-achieve ng goals. Maging proud 'yung parents mo 'pag na-achieve mo 'yung goals mo, hindi ka maging pabigat sa magulang mo, makatulong ka sa family mo.

“Lahat yan e, 'yun 'yung parang dream natin nung nasa mga 20s pa ako, yan talaga 'yung goal ko.

“They gave you wings to fly, so ngayon natuto kang lumipad, kung umaangat ka na, nakikita mo na na parang ito 'yung kaya ko gawin, tapos unti-unti medyo na-achieve mo na. Pero habang na-achieve mo 'yun, huwag mo kalimutan bumalik doon sa nest para bistahin 'yung mga nagturo sa'yo kung paano ka lumipad.”

Heto ang ilan sa mga kilalang showbiz personalities na binawian ng buhay dahil sa cancer: