Celebrity Life

Rochelle Pangilinan, naluha nang mapanood siyang sumayaw ng asawa at anak sa 'Eat Bulaga' stage

By Jansen Ramos

Dream come true para kay Rochelle Pangilinan na mapanood siyang sumayaw sa Eat Bulaga stage ng kanyang asawang si Arthur Solinap at apat na taong gulang nilang anak na si Shiloh Jayne.

Noong Biyernes, March 3, muling sumayaw sa noontime show si Rochelle at kapwa niya SexBomb dancers na sina Jopay Paguia, Cheche Tolentino, Mia Pangyarihan, Sandy Tolentino, Aifha Medina, at Mhyca Bautista para sa anniversary promo ng isang eCommerce platform.

Sa kanyang Instagram account, ipinost ng dating leader ng SexBomb ang ilang behind-the-scenes videos ng kanilang production number, kung saan makikitang nagtatatalon sa tuwa ang anak niyang si Shiloh nang mapanood siyang sumayaw.

Ayon kay Rochelle, isa itong pangarap na natupad matapos magtrabaho bilang dancer sa Eat Bulaga sa loob ng mahigit isang dekada.

Sabi niya, "Dati… sa EB stage, nung wala pa kong asawa. Pangarap ko lang na mapanuod ako ng asawa at anak ko habang sumasayaw ako. Ano nga kaya ang pakiramdam.

"Ngayon, napanuod na nila ko. Iniiwasan kong tingnan sila habang sumasayaw, bilang malikot ang mga mata ko lagi sa stage, di maiwasang mapatingin sa kanila.

"Pilit pinipigilang tumulo ang luha. Dapat magfocus sa sayaw at baka maaksidente.

"Napakasarap pala sa pakiramdam nun! Hanep!"

Sa isang videong pinost ni Rochelle, maririnig na sinabi ni Shiloh sa daddy Arthur niya na "I want to dance" and "I want to follow" habang pinapanood ang mommy niya sa entablado.

Patuloy ng dancer/actress, "At kapag sumasayaw kami ni Shiloh sa bahay lagi n'ya sinasabi ay “Mom,stop dancing,stop!”

"Pagkatapos nya kong mapanuod sa @eatbulaga1979, nakikinig na s'ya sa akin, lagi na din n'ya kong pinapasayaw.. kapuy!

"Haaayst… isang pangarap na naman ang natupad."

Napanood si Rochelle sa Eat Bulaga bilang miyembro ng SexBomb Girls, na mainstay dancers noon sa noontime show, mula 1999 hanggang 2011.

Matapos ang kanyang assignment sa Eat Bulaga, nagpatuloy pa rin si Rochelle sa pagpe-perform bilang dancer at nag-focus sa pag-aartista. Napapanood siya ngayon bilang Dayang Salaknib sa GMA megaserye na Mga Lihim Ni Urduja.

February 2019 nang isilang ni Rochelle ang unang anak nila ni Arthur na si Shiloh Jayne.

Ikinasal ang Kapuso couple noong August 2017 matapos ang siyam na taong relasyon.

NARITO ANG IBA PANG SEXBOMB GIRLS NA MOMMIES NA NGAYON: