Celebrity Life

Lovely Abella reveals her bridal gown was made in just two days

By Jansen Ramos

Isa sa mga sa inaabangan sa mga kasalan ang paglalakad ang bride sa aisle patungo sa altar kung saan magaganap ang pag-iisang dibdib nila ng kanyang groom.

Importanteng okasyon ito para sa mga bride kaya naman pinaghahandaan at pinagkakagastusan ang kanilang mga wedding gown.

Ayon sa brides.com, ang mga made-to-order wedding gown ay karaniwang ginagawa sa loob ng anim hanggang siyam na buwan. Pero sa pagbabago ng panahon, nauuso na rin ang mga minimalist bridal gown o mga gown na walang beadwork o komplikadong disenyo.

Isang halimbawa niyan ang bridal gown ng newlywed na si Lovely Abella na ikinasal noong Sabado, January 23, sa kanyang long-time boyfriend na si Benj Manalo.

Ayon sa Instagram post ng dancer-turned-actress, dalawang araw lang ginawa ang kanyang wedding gown na idinisenyo ng local fashion designer na si Steph Tan. Gayunpaman, "super happy" daw siya sa kinalabasan nito dahil sa maganda nitong fit.

Nagpasalamat din si Lovely sa kanyang Hello, Love, Goodbye co-star na si Kathryn Bernardo na siyang gumastos para sa kanyang wedding gown.

Sa kasamaang palad, maging ang pagtulong ni Kathryn kay Lovely ay ginawan pa ng isyu ayon sa hiwalay na Instagram post ng huli.

Depensa ng Kapuso star, "'Di ako marunong manggamit para lang bigyan at higit sa lahat, 'di maatim ng puso ko na manira ng relasyon dahil kahit ano pa mangyari, KathNiel forever noh..."

Paglilinaw pa ni Lovely, ang kanyang wedding gown na pinagawa ni Kathryn ay regalo nito sa kanya.

Paliwanag niya, "Mabait talaga si Kath, saksi ako sa lahat ng 'yan, at niregalo niya sa akin ang napakagandang wedding gown na suot ko kagabi na gawa ni @stephtancouture.

"Sabi ko, 'My Ga, 'wag na. Ako na.' Pero sabi niya regalo daw niya.

"'Wag tayong tumatanggi sa blessings, 'yan ang natutunan ko kasi 'yan ang way nila to share their blessings at para lalo sila ma-bless kaya sabi ko buti NAIHABOL kasi 2 days na lang kasal ko na."

Aminado si Lovely sa nasaktan siya sa mga panghuhusgang ginamit niya si Kathryn para malibre sa pagpapagawa ng kanyang bridal gown.

Patuloy pa niya, "Masakit pero siguro nga kailangan tanggapin dahil nasa industriya ako, pero 'wag kayong gano'n.

"'Di n'yo alam ang mga kwento kaya 'wag kayong manghusga.

"Saksi ang aking mga kaibigan na sina @pernellagonzaga at @kelly.harris_ kung gaano ako inalagaan ni Kath para gumanda ako sa mismong kasal ko.

"Siya ang nag-detalye ng gown ko at talagang sinama niya si @janaranilla (stylist ni Kathryn) para i-check lahat kung okay sa akin."

Abot -abot pa ang pasasalamat ni Lovely kay Kathryn dahil, aniya, kung wala ang sikat na aktres ay marahil wala siyang isusuot sa kanyang kasal.