Celebrity Life

EXCLUSIVE: Why does Camille Prats urge son Nathan to keep busy this summer?

By Jansen Ramos

Perfect season ang summer para sa mga estudyante upang makapagpahinga at makapaghanda para sa susunod na school year. Pero para sa TV host-actress na si Camille Prats, perfect season ito para ma-develop ang talents at skills ng kanyang panganay na anak na si Nathan.

 

Pahayag niya sa isang eksklusibong panayam: "Si Nathan kasi mahilig sa sports. Talagang maliit pa lang siya, mga 5 years old, sumasali na talaga siya sa sports. 'Yung mga nakahiligan niya ay soccer and basketball. So, alam n'ya 'yun  na non-negotiable namin 'yung sports kahit alam namin na summer. Kailangan may ginagawa siya. Kumbaga, 'yung busiest time niya is summer."

Paliwanag ni Camille, hindi lang pisikal na aspeto ang napagyayabong ng sports kundi ang mental and social na aspeto din.

"Sinasabi daw dapat 'pag summer magpahinga. Ako kasi hindi naman sa hindi ako naniniwala dun, feeling ko kasi 'pag nagpahinga ka, tatamarin ka na hanggang sa ayaw mo na siyang gawin. Dapat 'pag summer, may gagawin ka pa rin kasi pagdating ng pasukan parang hinahatak mo na lang 'yung katawan mo kasi nasanay ka na'ng wala kang ginagawa puro video games. Sa'min, ni-re-regulate namin 'yun, tsaka feeling ko iba 'yung disiplinang na-iinstill kapag may sports 'yung bata. Lumalaking 'di pikon at madali siyang makipagkaibigan sa iba kasi iba-iba 'yung batang nakikilala niya," diin niya.

Para makapag-focus pa si Nathan sa sports, hindi muna pinapayagan ni Camille na magkaroon ito ng cellphone. Sa katunayan, siya rin ang may hawak ng Instagram account at YouTube channel ng kanyang 10-year-old son. Siya rin ang nag-eedit ng lahat ng videos na ina-upload dito.

Saad niya, "The best time for him to have a phone is probably when he reaches 14 years old. Pagdating naman sa contact, meron kasi kaming smart watch na may sim card. So, na-lo-locate ko siya, natatawagan niya ko, natatawagan ko siya through that watch. So, for me, that’s more than enough to make sure of his whereabouts nang hindi siya ma-aadik sa cellphone."