Celebrity Life

BJ Forbes, ikinuwento ang pinagdaanan ng anak na may seizure disorder

By Kristian Eric Javier

Ayon sa dating child actor na si BJ Forbes, na mas kilala bilang si Tolits sa Eat Bulaga, going strong at isang fighter daw ang anak niyang si Janella na may seizure disorder. Pero ikinuwento rin niya na hindi naging madali ang pinagdaanan nito.

Sa interview niya sa vlog ng talent manager at vlogger na si Ogie Diaz, sinabi niyang nag-i-improve na ang lagay ng tatlong gulang niyang anak.

“Nag-i-improve naman po, kahit paunti-unti ay ngumingiti kahit papaano. Kasama namin siya, so strong. Pero kung tatanungin n'yo po ako kung sa pagiging normal na bata, medyo hindi po nararanasan ngayon ni baby 'yun,” kuwento niya.

Nauna nang ibinahagi ni BJ ang nangyari sa anak niya nang maimbitahan ito sa “Bawal Judgmental” segment ng nasabing noontime show. Dito, kinuwento niya kung papaano bigalng nag-seizure ang anak nila, na naging dahilan para mawalan ng oxygen ang utak nito at ma-stroke.

“Kung ano po 'yung dahilan ng pagkaka-seizure niya, hanggang ngayon inaalam pa rin po namin, nagpapa-genetic test pa po kami and iba pang mga test,” sabi pa nito.

Sa interview ng dating child actor sa vlog ni Ogie, sinabi niya na normal at kumpleto ang baby nila nang ipanganak, at okay ang lahat ng newborn screening at iba pang tests nito.

“Tapos pinakaunang-unang inatake po siya ng seizure, October ng pandemic, 2020. So by that time, may COVID ako e, so naka-isolate po ako. Wala naman siyang nararamdaman, wala siyang lagnat, wala siyang kahit ano,” aniya.

“Ta's bigla na lang nanginig si baby, as in ang seizure, nag-bite ng tongue niya, tapos nu'ng nakita 'yun, kinatok ako nu'ng misis ko du'n sa studio.”

Ayon kay BJ, sinugod daw agad nila ang anak sa ospital ngunit sinaksakan lang daw ng oxygen. Binigyan ito ng paracetamol at pinauwi rin agad, kung saan muling inatake ang baby nila sa bahay at isinugod ulit sa ibang ospital.

“Sinabihan lang kami na normal lang naman daw 'yung baby, parang nagkaroon lang ng pneumonia nu'ng time na 'yun na nag-cause ng seizure. So naging kampante na kami kasi sabi, normal lang daw 'yun. Nasa loob ang lagnat sabing ganun kaya ang seizure,” dagdag pa niya.

Ayon pa kay BJ, bagong taon nang muling mag-seizure si Janella at nang isugod sa ospital, sinaksakan daw agad ito ng anti-seizure ng dalawang beses bago kumalma. Pagkatapos ay isinalang na sa MRI.

“Nakita na meron na naging epekto 'yung sa prolonged seizure niya kasi two hours po, e. Two hours siya nagse-seizure, hindi umeepekto 'yung gamot,” sabi niya.

Na-coma ang anak nila nang ilang oras at nang magising ito, napansin nila na nag-iba ang kundisyon at kailangan daw lagyan ng tubo para makahinga.

“'Yung mga times na hindi ko na alam kung ano gagawin ko, e. Kasi 'yung batang 'yon, 'yung anak ko na 'yun, 'yun 'yung dahilan kung bakit ako nagpupursige pa rin ngayon e,” paglalahad niya.

Kinuwento rin ng aktor kung papaano nila minonitor ng misis niya ang seizures ng kanilang baby habang nasa ICU ito, at kung gaano kahirap na wala silang magawa kung hindi panoorin na lang ito.

Dagdag pa ng dating child actor, “Hanggang sa nag-pray talaga ako, andun ako sa chapel, sabi ko, kumbaga, parang lumaki ako na breadwinner ako ng family ko, lahat kaya ko ng mag-isa, lahat kaya kong gawin. Pero 'yung pagkakataon na 'yun, wala e.”

“Kahit nu'ng time na 'yun, may pondo naman kami pang-ospital pero kahit 'yung mga duktor wala silang magawa tapos hindi nila kami mabigyan ng assurance kung ano'ng mangyayari sa anak namin,” pagpapatuloy nito.

Pagkabalik ni BJ galing sa chapel ng ospital ay nag-stabilize na sa wakas si Janella, ngunit kailangan pa rin manatili sa ICU habang nasa waiting area sila.

“So 'yun 'yung pinaka-mental torture nu'ng panahon na 'yon kasi hindi mo nakikita 'yung anak mo, binabalita sa'yo na nakatubo pa rin, hindi nila matanggal 'yung tubo ta's may mababalitaan ka pa na may umiiyak,” sabi ni BJ.

“Ngayon po is going strong naman, a very fighter baby na talagang nag-e-endure sa alam naman nating hindi madaling nararamdaman sa katawan dahil may sakit,” ayon pa sa kanya.

Sa paglabas niya sa Eat Bulaga, sinabi ni BJ na kahit konting improvement ay masaya na sila dahil kasama nila ang baby nila.

“Hindi siya kinuha sa amin at inspirasyon sa buhay ko para maging mas malakas pa sa araw-araw 'yun po ang importante,” aniya.

Tingnan ang ilang celebrities na may unusual na sakit sa gallery na ito: