Celebrity Life

Michael V., inilahad ang COVID-19 symptoms na kanyang naramdaman

By Aedrianne Acar

Bagamat kinakabahan si Michael V. sa pagiging positibo sa COVID-19, pinili pa rin niyang magbigay impormasyon sa kanyang viewers kung anu-ano ang mga dapat gawin kung sakaling tamaan ng coronavirus.

Inilahad ito ng Pepito Manaloto star sa kanyang "POSITIVE" vlog sa YouTube, na may mahigit two million views na sa ngayon.

Isa sa mga binahagi ni Michael V. ang mga naramdaman niyang sintomas bago makumpirmang tinamaan siya ng COVID-19.

Wika niya, “'Yung pinaka-bad trip talaga na nawala 'yung pang-amoy ko 'tsaka nakaka-praning.

"Feeling ko dahil nandito [sabay hawak sa ilong] siya sa nasal area, kung may virus diyan malapit sa utak...

“So, hirap baka... sabi pa naman nung iba masustansya 'yung utak ko, mataba utak ko, baka pag-piyestahan ng mga virus.”

Nabanggit din niya na nawala ang kanyang panlasa.

Sa katunayan, habang kumakain, sinabi ni Bitoy, "Napansin ko lang na parang nawala na talaga yung panlasa ko. Hindi ko na malasahan itong soup, mukhang masarap pa naman."

Dagdag pa niya, "Feeling ko at the stage na nawawala yung panlasa ng mga infected, feeling ko dito nila nararamdaman yung kawalan ng ganang kumain.
"Kung tutuusin, parang hindi kumpleto yung ginagawa mo.

"Alam mong masarap yung pagkain, mukhang masarap, pero hindi mo maamoy, hindi mo malasahan, and yet kailangan mong kumain, para may maipasok kang sustansiya sa katawan mo, para malabanan mo yung virus.

"Again, sige lang, kain lang."

Bukod sa mga ito, nakaramdam din daw si Michael V. ng pagtaas ng temperatura sa katawan at tila pagbigat ng pakiramdam, na patuloy pa rin niyang mino-monitor.

Samantala, mahigpit din niyang paalala sa viewers na dapat sumunod sa safety protocols tulad ng pagsu-suot ng personal protective equipment (PPE) at pag-practice ng social distancing.

“BSS, again, hindi biro itong mga nangyayari na 'to and I just wish hindi n'yo isantabi lang.

"'Di n'yo balewalain 'yung mga nararamdaman n'yo and sundin pa rin nating protocols ng social distancing, 'yung PPE (Personal Protective Equipment) at tsaka as much as possible kung kaya n'yo sa bahay na lang kayo, huwag na kayo lumabas.

“Kung kaya n'yo huwag makipag-interact masyado sa mga iba, kasi hindi natin alam kung sino 'yung carrier o baka tayo mismo 'yung may dala ng virus.”

Panoorin ang kabuuan ng "Bitoy Story 29: POSITIVE" vlog ni Michael V. sa video below.

Michael V., biktima ng death hoax habang nagpapagaling mula sa COVID-19

Michael V., nalungkot sa pansamantalang pagkakahiwalay sa kanyang pamilya