Celebrity Life

Melai Cantiveros, sumalang sa lie detector test ni Bea Alonzo

By EJ Chua

Ang komedyante, host, at aktres na si Melai Cantiveros ang bagong guest ni Bea Alonzo sa kanyang Lie Detector Challenge.

Sa bagong vlog ni Bea sa kanyang YouTube channel, mapapanood ang kulitan at chikahan moments nila ni Melai habang sinasagot ng huli ang ilang katanungan ng una.

Kabilang sa mga pinag-usapan ng dalawa ay ang tungkol sa family life at career ni Melai.

Sa kalagitnaan ng question and answer portion sa naturang vlog, napapakuwento ang guest tungkol sa kanyang mga anak na sina Mela at Stella.

Binalikan din ni Melai kung paano siya pinalaki ng kanyang mga magulang kaya naman kinuha niya ang ilang life lessons na natutuhan niya noon ngayong siya ay isa na ring magulang.

Ibinahagi rin ni Melai kung paano niya itinatama ang ugali ng kanyang mga anak kapag mayroon siyang napapansin sa mga ito.

Kabilang sa ikinuwento ng celebrity mom ay ang istorya tungkol sa nag-trend na video ng kanyang bunsong anak na si Stella.

Ayon kay Melai, tinuturuan niya si Stella na huwag ma-pressure sa pag-aaral at huwag mainggit sa mga nakikita niya sa kanyang mga kaklase sa eskwelahan.

Biro pa niya sa anak, zero raw ang ilang scores nila ng kanyang asawang si Jason Francisco noong sila ay nag-aaral pa.

Kasunod nito, ipinamalita na ng bunso nilang anak ang kanilang scores noon.

Habang nagtatawanan, sinabi ni Bea na mayroon siyang natututuhan sa pakikipagkwentuhan niya kay Melai.

Kasalukuyang napapanood ang Kapuso actress na si Bea sa drama series na Love Before Sunrise, habang si Melai naman ay mapapanood bilang bida sa pelikulang Ma'am Chief.