
Isang hindi inaasahang reunion ang na-experience ni Kapuso actor Rocco Nacino kamakailan.
Nagkaroon kasi siya ng chance encounter sa taong bumili ng inalagaan at minahal niyang Ford Mustang.
Sa isang post sa Facebook, ikinuwento ni Rocco na nagkaroon siya ng pagkakataon na makilala ang bagong may ari ng kauna-unahang niyang sports car.
"So nasa [P]asig kami kahapon, at may lumapit sa akin at sinabi sakin na, '[P]apa ko ang nakabili sa [M]ustang mo'. Nandoon lang sa isang kanto," sulat ng aktor.
Malugod siyang binati ng bagong may-ari at ipinamaneho pa sa kaniya ang sasakyan nang saglit.
"Sabi ko, baka puwede ko siya makita? At napakabait nga ni owner na siya pa nagdala para makita at ma-drive ko siya ulit," pagpapatuloy niya.
Ikinatuwa rin ni Rocco nang makita na nasa sasakayan pa rin ang ilang customizations na idinagdag niya rito.
"Napakasarap ng pakiramdam na makaupo at makita ang kauna-unahang sports car ko. One that I really loved and took care off. Nakakabit pa rin lahat ng upgrades ko. Tinuro ko nalang yung mga dapat i-retouch," kuwento ng aktor.
Naging emosyonal si Rocco dahil tila alagang-alaga ang sasakyan na lubos niyang minahal noon.
"Mangiyak iyak ako nung nakita siya umalis pero masaya ako na alaga siya ng kaniyang owner. Car lovers would understand, hindi ito OA," aniya.
Sa huli, masaya si Rocco sa pambihirang pagkakataon na ma-reunite sa isang bagay mula sa kaniyang nakaraan.
"At ayun ang aking storytime. Good moment, good reunion," pagtatapos niya sa kaniyang post.
Kasalukuyang napapanood si Rocco sa primetime action-adventure series na Lolong: Bayani ng Bayan.
Gumaganap siya rito bilang Mayor Flavio, ang butihing alkalde ng Tumahan.
Masisilaw siya sa perang alok ng negosyanteng si Julio (John Arcilla) kaya magiging kasangkapan siya sa paghahanap kay Bangkil, ang masked alterego ni Lolong (Ruru Madrid.)
Sa ika-pitong linggo ng Lolong: Bayani ng Bayan, makakapasok na si Lolong sa underground fighting arena ni Julio.
Makikita na ba niya dito ang sinapit ng mga kapwa niya Atubaw?
Patuloy na tumutok sa dambuhalang adventure serye na Lolong: Bayani ng Bayan, Lunes hanggang Biyernes, 8:00 p.m. sa GMA Prime.
May delayed telecast din ito sa GTV, 9:40 p.m. at maaaring panoorin online sa Kapuso Stream.
SAMANTALA, TINGNAN ANG MGA KOTSE NG SIKAT SA GALLERY SA IBABA