Celebrity Life

Jak Roberto, na-prank na naman si Barbie Forteza sa unang vlog nila sa 2021

By Marah Ruiz

Na-prank na naman ni Kapuso actor Jak Roberto ang nobya at kapwa Kapuso star na si Barbie Forteza.

Credits: jakroberto Instagram

Ginawa ni Jak ang prank habang nagsu-shoot sila ni Barbie ng unang vlog nila para sa 2021.

Plano ng dalawa na ipakita sa kanilang mga followers kung paano nila inihahanda ang kanilang mga TikTok dance videos.

Pero pag-alis ni Barbie para mag-makeup, ipinaliwanag ni Jak ang tunay na layunin ng kanilang vlog.

Susubukan daw ni Jak na humingi ng tawad nang paulit-ulit at ng walang dahilan kay Barbie para malaman kung anong magiging reaksiyon nito.

"Akala niya simpleng vlog lang 'to. Since ito nga 'yung unang vlog nitong 2021, gusto kong lagyan ng twist. 'Tong TikTok na gagawin naming dance cover, para mas maging interesting, parang gawin nating social experiment. Kapag nag-sorry ka ng 100 times, ano kayang magiging reaction ng girlfriend mo?" paliwanag ni Jak.

"Kasi alam naman natin 'yung mga babae 'di ba 'pag nagso-sorry ka, hindi lang basta nakapag-sorry ka eh. Tatanungin nila 'bat ka nagso-sorry. Anong pinagso-sorry mo," dagdag pa niya.

Sa unang video ng two-part vlog, nag-shoot muna sina Jak at Barbie ng TikTok dance video. Maririnig namang paulit ulot na nagso-sorry si Jak kay Barbie.

Sa pangalawang parte ng vlog, pumasok na sila sa bahay para i-upload ang kanilang TikTok video.

Nagkukulitan pa ang dalawa tungkol sa caption ng kani-kanilang mga post.

"'Pag babae ganon ano? Kailangan ang daming sinasabi sa caption," ani Jak.

"Samantalang, 'Tiktok with Madam' [lang ang caption mo]," sagot naman ni Barbie.

"Saan 'yung sincerity doon? 'Tiktok with Madam this 2021' tapos emoji," dagdag pa ng aktres.

Dinipensahan naman ni Jak ang kanyang sarili.

"Hindi naman nasasabi 'yun sa caption. Ang mahalaga sincere ako sayo sa personal," palusot niya.

Samantala, isinisingit pa rin ni Jak ang paso-sorry habang abala sila pareho sa kanilang mga cellphone.

Sa ika-58 na paghingi ni Jak ng paumanhin, nagsimula nang magtanong si Barbie kung ano ba ang ipinagpaumanhin ng nobyo.

Inakala pa niyang nabura ni Jak ang TikTok video kaya ito nagso-sorry.

"Na-delete mo 'yung TikTok no?" tanong niya.

Nahihiwagaan naman siya sa ikinikilos ni Jak.

"Ang weird no? Nagso-sorry siya pero naka ngiti," sambit nito.

Panoorin ang buong two-part vlog ni Jak para malaman ang kinahinatnan ng kanyang "social experiment" dito:

Sa nakaraang vlog ni Jak, ipinasilip niya ang home photo shoot nila ni Barbie para sa GMA Artist Center Folio.

Balikan ang ilan sa most viewed YouTube videos ni Jak sa gallery na ito: