
Hindi mapagkakaila na sadyang mahilig sa ukay-ukay ang mga Pilipino. Kahit ang Kapuso actress na si Heart Evangelista hindi pinapalampas ang mga sulit at magagandang ukay-ukay spots sa Sorsogon kung saan siya madalas mamalagi. Mapapanood sa iba niyang vlogs kung paano niya nabubuo ang ilang artista looks sa budget na hindi lalampas ng P500.
Sa recent episode ng Pera Paraan, ipinakita ni newsanchor Susan Enriquez ang mga OOTD na galing ukay-ukay na hindi lalampas sa P500 ang presyo.
Talagang patok sa masa ang ukay-ukay, kaya naman para sa 23-year-old na si Princess de Jesus, ginawa niya na itong negosyo. Ang kanyang ukay-ukay business na 77.7 Trading, umaabot ng halos P3 milyon ang kita sa isang buwan.
Kuwento niya sa Pera Paraan, "Nagumpisa ako sa mga lumang damit lang e. 'Yung ate ko na nasa abroad nagpapadala ng mga damit na halos hindi ko naman nagagamit."
Ang mga damit na padala ng kapatid niya galing abroad ay binebenta ni Princess online. Mula rito, kumita raw ng P2,000 si Princess na ginawa niyang puhunan para makabili ng isang bulto ng ukay-ukay merchandise.
Malayo na ang narating ng ukay-ukay business ni Princess na mabilis umusbong. Sa loob lang ng siyam na buwan, nakabili na siya ng tatlong bagong sasakyan, malapit na ring matapos ang pinapagawa niyang bahay, at nakabili na rin siya ng warehouse na pinaglalagyan niya ng ukay-ukay items.
Abangan ang latest episodes ng Pera Paraan tuwing Miyerkules 8:30 PM sa GTV, kasama sina Susan Enriquez at Mark Salazar.