Celebrity Life

Sportscaster Martin Javier encourages Filipino youth to try new sports

By Jimboy Napoles

Sa sunod-sunod na tagumpay ng mga atletang pinoy sa olympics at international sports competitions, hinihikayat ngayon ng sportscaster at Rise Up Stronger host na si Martin Javier ang mga kabataan na subukan din ang iba pang mga sports bukod sa mga kilalang laro gaya ng basketball, volleyball, at boxing.

Sa panayam ng GMANetwork.com kay Martin kamakailan, sinabi nito na ang pagkapanalo ng Pilipinas sa olympics ang nagbukas ng pintuan para mas makilala pa ang iba pang sports sa bansa.

"Tokyo 2020 Olympics, doon natin makikita na mayroon pa lang iba't ibang sports na puwede nating i-try, kung saan puwede tayong mag-excel, na puwedeng ma-highlight dito sa Pilipinas, na puwedeng i-celebrate ng mga Pilipino aside doon sa mga sports na nakagawian na natin. Siguro 'yun 'yung enough na encouragement sa mga kabataang pinoy ngayon na sumubok ng iba't ibang sports," paliwanag ni Martin.

Mahalaga rin daw na pagtuunan din ng mga kabataan ngayon ang mga larong pampalakasan upang mas tumibay ang resistensya at malabanan ang mga sakit na laganap ngayon.

"Kasi lalo ngayon kailangan natin 'yon 'di ba ang sports nakakatulong yan sa ating kalusugan as well nasa pandemya tayo" saad niya.

Masilbi rin daw sanang inspirasyon ng mga kabataang pinoy ang mga ipinagmamalaki nating atleta na nag-uwi ng mga medalya para sa Pilipinas.

"Sana gawin nilang inspirasyon din sina Hidilyn Diaz, EJ Obiena, at 'yung mga medalist natin na talagang nirerepresenta ang Pilipinas in a very good way. Nakaka-proud na maging pinoy habang nakikita sila sa world stage sana enough na motivation 'yun para sa mga kabataang Pinoy na sumubok ng iba't ibang sports" dagdag pa niya.

Nagbigay rin ng mensahe ang sportsman para sa mga aspiring athletes.

"Magtuloy-tuloy sila. I think iyung ipinakita nina Hidilyn Diaz, at 'yung iba pa nating mga Olympians na Pilipino nagset sila ng example eh, nagset sila ng inspiration para sa kanila na huwag tumigil kasi as long as nabubuhay sila, as long as mayroon pa silang mga tournament na sasalihan, buhay na buhay 'yung pangarap nila na makapag-uwi ng medalya para sa Pilipinas mula sa iba't ibang mga tournament sa mundo," pagpapatuloy ng sportscaster.

Samantala, silipin naman sa gallery na ito ang ilan sa mga atletang pinoy na lumaban sa Olympics para sa Pilipinas.