
Hindi natatapos ang mga pakulo ni Pasig City Mayor Vico Sotto dahil may bagong kinaaliwan sa kaniya ngayon sa social media.
Viral ngayon ang mga food review ng public servant ng mga kinain niya.
Noong June 13, ipinost ni Mayor Vico ang comment at rating niya sa kinain niyang litsong baka at shake na nilakipan niya ng hashtags na #foodblogger at #foodreviewph.
Aniya, "masarap naman pero mas masarap nung bagong labas" ang litsong baka kaya nakuha lamang ito ng score na "Good out of 10."
Hirit pa ni Vico, "baka mas masarap na ulit next time."
Hindi rin pinalampas ni Mayor Vico ang ininom niyang shake na tila ba sago't gulaman cooler, o kung tawagin ay samalamig, base sa larawan.
Nakakuha ito ng 8/10 pero pinuna niya ang straw na kasama sa drink dahil hindi raw kasya ang ingredients nito na nakakaaliw na hindi matukoy ng alkalde. "Okey pero di kasya sa straw 'yung mga ano," sabi niya.
Dahil nag-viral ang kaniyang food reviews, tinadtad si Mayor Vico ng tags ng netizens sa Instagram para i-review kung papasa na ba silang food blogger.
Sa ipinakitang food review ng aspiring food blogger na may IG handle na iameliza_04 sa isang restaurant sa Tagaytay, nakakuha ito ng magandang marka mula sa alkalde dahil makikita sa larawan na simot ang pagkain sa plato.
Aniya, "Ganito dapat ang food review! Bat tayo maniniwalang masarap kung di nga naubos nung blogger."
Kung pasado sa kaniya ang naunang food review, kabaligtaran naman nito ng pangalawa niyang sinuring review.
Sa rating ni @kriiiiiiistine, nakakuha ng 10/10 ang kinain niyang maki and sushi platter, bagay na pinagdudahan ng alkalde.
Biro ni Mayor Vico, "Ok naman review n'yo mam pero sigurado ka bang 10/10 parang nambobola ka lang eh."
In-adjust naman ni mayor ang binigay na mababang score ng aspiring food blogger na si @dyolyannn_ sa matinik na pritong bangus. Nakakatawang komento ni Vico, "patay na 'yung isda parang kasalanan pa niyang natinik ka ah. Kawawa naman. Adjusted score: 5/10."
Paalala ni Mayor, bawal mag-review ng sariling luto para hindi biased ang score.
Kung ayaw ninyong makakuha ng negative score, huwag nang paghanapin ng review post si mayor! Hectic nga naman kasi ng sched ng isang city chief.
Sa huling review ni Mayor Vico, napa-"I quit" na siya sa post matapos may mag-send ng food review ng gamo-gamo.
Bulalas niya, "Ano to?? Parang di n'yo sineseryoso ang pagiging food blogger ah. I quit!" na sinamahan niya ng angry emojis.
Kanino pa nga ba magmamana ng sense of humor si Mayor Vico kundi sa kanyang amang si Vic Sotto.
Tingnan ang iba pang funny and quirky moments ng alkade sa gallery na ito: