Celebrity Life

Gardo Versoza, nakalabas na sa ospital matapos atakihin sa puso

By EJ Chua

Matapos atakihin sa puso noong March 28, 2023, na-discharge na sa Cardinal Santos Memorial Medical Center ang aktor na si Gardo Versoza.

Sa isang report, ibinahagi ng asawa ni Gardo na si Ivy Vicencio ang ilang update tungkol sa kalagayan ng aktor.

Pahayag ni Ivy, "Medyo okay na po siya kaya pinayagan muna siya ng kanyang mga doktor na makauwi.”

Dagdag pa niya, "'Yung second angioplasty niya, naka-schedule two to three months from now. Hindi napagsabay ang angioplasty dahil may heart attack na nangyayari."

Binanggit din ng asawa ni Gardo na ayon sa isang cardiologist, bawal pa sa aktor ang strenuous activities at kailangan muna niyang magpahinga sa bahay.

Matatandaang ilang araw na naratay sa Intensive care unit o ICU si Gardo sa nabanggit na ospital dahil kinailangan niyang sumailalim sa angioplasty upang maalis ang bara sa dalawang ugat na pinagdadaluyan ng dugo patungo sa kanyang puso.

Ayon sa mga doktor, posibleng extreme physical activity ang naging dahilan ng heart attack ng aktor.

Kabilang si Gardo sa cast ng upcoming series na Unbreak My Heart, ang teleseryeng pagbibidahan nina Joshua Garcia, Gabbi Garcia, Richard Yap, at Jodi Sta. Maria.

Bukod sa mga nabanggit na aktor, kasama rin ni Gardo sa programa sina Maey Bautista, Laurice Guillen, Nikki Valdez, Eula Valdes, Will Ashley, at Bianca De Vera, Victor Neri, Sunshine Cruz, at marami pang iba.

SAMANTALA, KILALANIN ANG ILANG CELEBRITIES NA NAKARANAS NG STROKE AT HEART DISEASE SA GALLERY SA IBABA: