Celebrity Life

Mark Herras, kukuning ninang ng anak si Jennylyn Mercado


Mahigit isang linggo pa lamang ang nakakaraan mula nang ginulat ni Kapuso actor Mark Herras ang publiko sa pag-amin niyang mayroon na siyang three-month-old baby.

Marami ang natuwa kay Mark dahil matapang niyang hinarap ang media para aminin ang isyung matagal nang ibinabato sa kaniya.

Pero kuwento ni Mark, kasabay ng positive feedback ay ang pag-usbong ng bashers sa social media. Marami raw kasing pumupuna sa kaniya dahil hanggang ngayon ay hindi pa rin niya ipinapakita ang kahit isang picture ng kanyang anak.

Isang picture pa lang ni Ada ang makikita sa Instagram account ni Mark ngunit tanging kamay lang ng bata na nakahawak sa kamay ng aktor ang makikita.

Paliwanag naman ni Mark, gusto niyang bigyan ng privacy ang anak niya lalo pa ngayong baby pa lamang ito. Ayaw niya raw itong pagpiyestahan sa social media.

Gusto raw ni Mark na hintayin ng mga tao ang tamang panahon para ipakita niya ang kanyang anak. Sa ngayon daw ay hindi makabubuti sa anak at sa ina nito na pag-usapan ng mga tao.

Pero ayon kay Mark, in less than two months ay bibinyagan na si Ada. Sa katunayan nga raw ay kukunin niyang ninang ang ex-girlfriend at Rhodora X co-star na si Jennylyn Mercado na hindi nawala sa kanyang tabi sa lahat ng kanyang pinagdaanang pagsubok.

Ninong din si Mark ng anak ni Jennylyn na si Alex Jazz. “Actually tinanong ko na ‘yon eh. Kung puwedeng maging ninang [si Jennylyn] kahit [na] ninong ako ng anak niya. Ang sabi nila parang magiging isang buong family kayo noon eh. Parang ganoon daw ‘yung kakalabasan noon,” kuwento ni Mark.

Bukod kay Jennylyn, kasama sa listahan ng mga ninong at ninang ni Ada ang StarStruck Batch 1 stars tulad nina Yasmien Kurdi at Katrina Halili. Kabilang din ang mga kaibigan ni Mark sa Sunday All Stars.

Tuwang-tuwa raw si Mark dahil tinutulungan siya nina Katrina at Yasmien para paghandaan ang binyag ni Ada. “Si Kat [ay] tinulungan na ako. Sabi sa 'kin ni Kat - oh ‘yung venue kung saan nag-birthday si Katie noong last time, doon gagawin,” aniya.

Si Yasmien naman daw ay kinausap na ang nag-sponsor ng photo and video coverage noong birthday ni Ayesha. Interesado naman daw itong mag-sponsor kay Ada.

Ano ba ang gustong sabihin ni Mark sa publiko? “Sana hintayin na lang nila [na ipakita ko si Ada], huwag silang masyadong ma-excite.”

Patuloy na subaybayan si Mark Herras at Jennylyn Mercado sa Rhodora X, weeknights after Carmela on GMA Telebabad. – Text by Al Kendrick Noguera, Photo by Bochic Estrada, GMANetwork.com