Celebrity Life

Neil Ryan Sese, nakabili ng farm sa Zambales dahil sa seafood business

By Jansen Ramos

Proud na ibinahagi ni Neil Ryan Sese na nabili na niya ang kanyang dream property na matatagpuan sa Zambales.

Isa na ngayong owner ng farm sa Zambales ang Kapuso actor at bunga ito ng ita mula sa kanyang seafood business matapos ang dalawang taon.

Matatandaang nabuo ni Niel ang kanyang negosyo na K&G Seafood sa kasagsagan ng pandemya, kung kailan nahinto ang mga taping at iba pang produksyon. Ito ay para pandagdag kita at pantustos sa kanyang pamilya sapagkat may dalawang siyang anak.

Si Neil mismo ang nagpi-pick up ng mga supply sa palengke at nagde-deliver ng orders sa kanyang customers gamit ang kanyang bisikleta.

"Nag-start 'yung K&G Seafood noong pandemic so kailangan mo ng ibang pagkakakitaan so sabi ko mahilig kasi talaga ako sa seafood e so dapat kung magbi-business ka dapat 'yung gusto mo," bahagi ni Neil Ryan sa panayam ng GMANetwork.com at iba pang press nang mag-set visit sa Voltes V: Legacy.

Hindi raw akalain ni Neil Ryan na tatangkilin ng publiko ang kanyang munting negosyo lalo pa nang mag-guest siya sa 'Bawal Judgmental' segment ng Eat Bulaga.

"Akala natin 'yung COVID parang three months lang max ang itatagal so ang akala namin 'yung business na 'yun siguro habang pandemic lang tapos tumagal nang two years tapos dumami 'yung orders no'ng na-guest ako sa Eat Bulaga sa Bawal Judgmental."

Malaki raw ang pasasalamat niya kay Vic Sotto at sa iba pang kapwa niya artista na bumibili ng kanyang produkto.

"Yung lahat ng actors during the pandemic, after ng guesting ko do'n, talagang naging 300 percent 'yung orders namin gano'n karami, as in. Kailangan namin magdagdag ng staff the following day kasi 'di na namin kaya tapos continuous, tuloy-tuloy na s'ya.

"Talagang pasalamat ko kay Bossing na talagang suki ko 'yan. Mahilig sa seafood 'yun e. Sobra-sobra talaga akong nagpapasalamat sa Eat Bulaga, sobrang laking tulong nila sa K&G Seafood."

Bukod kay Bossing, suki niya rin daw ang mga nakatrabaho niya sa GMA gaya nina Jennylyn Mercado, Dennis Trillo, Camilles Prats, Carlo Gonzalez, at Voltes V: Legacy director na si Mark Reyes.

Naka-tie up pa niya si Dingdong Dantes sa brainchild nitong online marketplace app na Dingdong PH.

Bahagi ni Neil, "Na-i-inspire talaga s'ya kasi no'ng nakita n'ya 'yung ginagawa ko tapos nagde-deliver ako, tinawagan n'ya talaga 'ko tapos nag-tie up pa kami with Dingdong riders so 'yung Dingdong riders 'yun 'yung nagde-deliver ng seafoods."

Kahit bumalik na ulit sa normal ang mga taping, patuloy pa rin ang seafood business ng aktor, na mapapanood bilang Dr. Hook sa Voltes V: Legacy na ipapalabas sa Mayo.

"Hangga't may nag-o-order, tinuloy ko pa rin s'ya kasi sayang saka maganda talaga kaya okay pala ang kita ng seafood e. Sana noon ko pa pinasok but, anyway kung hindi naman kasi nag-pandemic, 'di ko naman maiisip."

Ngayong may sarili ng farm si Neil, nasa plano din raw niyang pasukin ang aquafarming para mag-produce ng tilapia, bangus, hito, at iba pang uri ng isda.

Sa katunayan, habang naka-quarantine sa lock-in taping niya noon, nag-enroll siya sa mga webinar para pag-aralan ang food production.

Talagang umasenso si Neil sa kanyang seafood business, bagay na never niyang ikinahiya.

"Di na ko magiging plastic, after a while may mga ganyan na kong naririnig. Bakit gano'n? Artista 'yan. Bakit ganyan? No'ng una, 'di ko talaga siya pinapansin. Ang iniisip ko no'n, kailangan kong kumita dahil walang taping, kailangan kong pakainin 'yung pamilya ko, 'yun 'yung naiisip ko.

"Tapos no'ng dumating na 'yan, meron nga palang ganito, pinagtatawanan pa ko, 'di ba? Okay lang, wala talaga s'yang impact. Nawe-weirduhan lang ako na part s'ya ng society na known ka na actor tapos bigla kang nag-de-deliver. Anong mali do'n? Business naman 'yon...kaya sabi ko okay lang pagtawanan n'yo ko."

Bukod pa rito, mayroon din si Neil, na isa ring biking enthusiast, ng activewear line na Bonked.

NARITO ANG IBA PANG ARTISTANG NAGTAYO NG NEGOSYO SA KASAGSAGAN NG PANDEMYA: