Celebrity Life

Luis Alandy, nais maging director


Si Edwin Manansala ang ginagampanang karakter ng Kapuso actor na si Luis Alandy sa Innamorata. Mahilig sa photography at gusto maging director ni Edwin. Ngunit alam niyo ba na sa totoong buhay ay nais rin ni Luis na maging magaling na director balang araw?

Nagsimula ang kanyang interes dito nang gawin niya ang indie film na Kalayaan. Nakasama niya rito ang award-winning director na si Direk Adolf Alix.

“Nag-shoot kami sa isang island sa Palawan. Na-inspire lang ako sa ideas nila, ‘yong creative mindset nila doon sa ginagawa nila,” pagbahagi niya.

Nagtanung-tanong raw siya sa mga dapat isaalang-alang at paghandaan sa pagdidirek.

“Sabi naman niya [Direk Adolf] ‘Madali na sa ‘yo ‘yan. You’ve been in the business for how many years… 17 years.. Alam mo na rin ‘yung camera business. Siguro, ‘yung story telling sa mga shots, importante pag-aralan ‘yun,” kwento ni Luis.

Pinlano na rin ng Kapuso actor na simulan ang kanyang pag-aaral sa directing.

“Last summer, nagpunta ako sa U.S. I was supposed to inquire sa NYFA (New York Film Academy) in Riverbank pero I needed to come back, kasi gagawin ko ‘yong Binoy Henyo so medyo naudlot,” aniya.

Hindi man natuloy ang kanyang pag-aaral sa U.S. naging successful naman ang ginawa niyang family series kasama sina Sheena Halili at David Remo sa Binoy Henyo. Naisip niya ring ipagpatuloy ang kanyang pag-aaral ng directing dito sa Pilipinas.

Balak niyang simulan sa paggawa ng short films para unti-unti niyang matutunan ang pagdidirek, “One of my good friend, nagdidirek na rin siya, nag-scriptwriting na rin siya, so it’s a collaboration, hopefully.”

Sinu-sino nga ba ang kanyang mga hinahangaan director?

“Ang dami, kasi each one [director] has a different style. Marami akong natututunan sa kanila. Iba-iba silang lahat ng atake.”

Dagdag niya, “With the directing of the film, gusto ko si David O’Russell. ‘Yung mga gawa ni Steven Speilberg.”

Mas gusto daw niyang pagtuunan ng pansin ang paggawa ng mga stories na magaganda bago niya gawin ang shots na gusto niya.

Panoorin si Luis Alandy bilang Edwin Manansala sa Innamorata pagkatapos ng Villa Quintana only on GMA Afternoon Prime. Para sa updates, bumisita lagi sa www.gmanetwork.com.

--Text by Eunicia Mediodia, Photo by Bochic Estrada, GMANetwork.com.