Celebrity Life

Kristoffer Martin, a budding businessman


Kakatapos lang ng Paraiso Ko’y Ikaw, ang GMA Telebabad soap na pinagbidahan ni Kristoffer Martin. Ayon sa aktor, habang naghihintay siya ng next project ay susubukan muna niyang pasukin ang business world.

Ikinuwento ni Kristoffer sa GMANetwork.com ang kanyang mga balak pagkatapos umere ng show nila ni Kim Rodriguez. Magtatayo raw siya ng isang clothing line na tatawagin niyang RBW na nangangahulugang red, black at white. Sa tatlong kulay na ito raw kasi iikot ang mga damit na ibebenta niya.

Anang aktor, ang pagpasok niya raw sa San Beda College ang nagtulak sa kanyang magtayo ng sariling business. “Kasi entrepreneurship ['yung course ko]. So why not agahan ko na kasi 'yung determination nariyan na eh. 'Yung lukso ng dugo nariyan na rin. Alam mo 'yung gigil na kailangang magawa ko 'to? Nararamdaman ko 'yan hanggang ngayon,” ani Kristoffer.

Mayroon daw business partner si Kristoffer dahil ayaw niya namang mag-isa niya lang papasukin ang kauna-unahang business niya. Kaibigan niya raw ito at kaklase sa San Beda College.

Noong una raw ay balak lang nina Kristoffer na sa school lang nila itatayo ang clothing line. “So dapat doon lang talaga kasi gusto namin Beda shirts lang talaga. Actually, muscles shirts at saka tank tops. ‘Yung sa 'min kasi sa Beda may t-shirts na, may hoodies na, so kami [ang] titira ng ganoon,” saad niya.

Dagdag ni Kristoffer, “Sabi ng business partner ko, 'bakit hindi natin i-establish? Tapos titira tayo ng marketing strategy na mag-promo lang for a time sa loob ng Beda. Once ma-establish na, kapag papasok ka ng Beda [ay] kilala na.' So sabi ko, sige okay 'yon.”

Napagdesisyunan muna nilang dalawa na magsimula muna sa isang online shop. “Then kapag kumita, maglalagay ng stall. Tapos kapag kumita ulit, papasok sa mga department store. At kapag kumita eh 'di mas maganda,” pahayag ni Kristoffer.

Bakit clothing line ang napiling business ni Kristoffer? “Dapat milk tea talaga siya eh kasi ‘yon ang gusto ko. Kaso hindi kami nagkasundo kasi gusto naman niya printing (services). Parang ang labo, hindi tayo magkasundo. Try natin damit, nagkasundo kami,” sagot niya.

Catch Kristoffer Martin on Sunday All Stars every Sunday after Kapuso Movie Festival. - Text by Al Kendrick Noguera, Photo By Elisa Aquino, GMANetwork.com