Celebrity Life

Joyce Ching shares tips she got from Direk Joyce Bernal


Bago matapos ang Paraiso Ko’y Ikaw, kinausap ni Direk Joyce Bernal ang isa sa gumanap na kontrabida ng show na si Joyce Ching para bigyan ng tips sa acting.

Kuwento ni Joyce, lahat daw ng mga batang artista sa show tulad nina Kristoffer Martin, Kim Rodriguez, at Phytos Ramirez ay sumailalim sa 1-on-1 talk ni Direk Joyce. Isa-isa raw silang kinausap habang nagte-taping ng mga huling episode ng Paraiso Ko’y Ikaw.

“Hindi magkakasabay kaya mas nakakatakot kasi parang 'halika rito, mag-uusap tayo'. Ano ba 'yung ginawa ko? Mali ba 'yung ginawa ko,” pahayag ni Joyce.

Aniya, sinabi raw ni Direk Joyce ang lahat ng kailangan niyang malaman. “Sobrang okay ni Direk Joyce kasi lahat, kahit positive o negative, sasabihin niya talaga sa 'yo. Kung saan ka mali o kung saan mo kailangan ng improvement. Kaya po masaya,” saad ni Joyce.

Noong una raw ay nagtampo pa si Joyce sa kanilang direktor dahil akala niya ay hindi na siya kakausapin. Siya raw kasi ang huling kinausap sa kanilang apat. Naramdaman daw niya noon ang panghihinayang dahil sayang naman daw ang mga ituturo ni Direk Joyce sa kanya.

Pero nang tinawag na raw si Joyce ni Direk Joyce ay sobrang kinabahan na siya. “Parang nagbago na 'yung isip ko bigla! Parang ayoko na pala siyang kausapin kasi nakakatakot, kasi siyempre hindi mo pa alam kung ano 'yung sasabihin niya,” aniya.

Natuloy din naman daw ang pag-uusap nilang dalawa. Ayon kay Joyce, generally daw ay natutuwa sa acting niya si Direk Joyce dahil sa energy na ipinapakita niya sa pag-arte. Pero pinuna raw nito ang kanyang pag-arte bilang isang kontrabida.

“Sabi niya, since madalas na akong nagkokontrabida, huwag daw ako maging masyadong komportable kasi minsan 'yon ang nagiging ugat ng paulit-ulit na acting. Parang masyado ka nang komportable sa pagiging kontrabida or sa pagbibida kaya paulit-ulit na lang 'yung napapakita mo,” ani Joyce.

Ang payo raw ni Direk Joyce sa kanya ay mag-isip siya ng bago na hindi niya pa nagagawa noon sa pag-arte. Bukod pa rito, sinabi raw nito na huwag daw magbigay ng limitasyon sa instructions ng direktor. Puwede naman daw magpasok ng sariling input sa isang scene kapag naramdaman niyang kailangan sa eksena.

“Kasi noong una po talaga sobrang kabado talaga ako kay Direk Joyce kasi first time ko siya makakatrabaho. Sobrang naiilang po talaga ako as in sunud-sunuran lang talaga ako sa lahat ng instructions,” kuwento ni Joyce.

Bago raw matapos ang kanilang pag-uusap, ipinayo raw sa kanya ni Direk Joyce na lagi siyang mag-observe ng taong galit. "Well doon ako nahihirapan actually, sa sobrang galit. Hindi kasi ako sobrang nagagalit. Parang hindi pa ako nagagalit na nagko-confront talaga ako ng tao. Pero 'yun siguro, makakatulong din sa 'kin 'yon na tignan ko kung paano ba magalit 'yung mga tao," saad ni Joyce.

What’s next for Joyce Ching after Paraiso Ko’y Ikaw? Keep visiting www.gmanetwork.com for updates on Joyce and your favorite Kapuso stars and shows. - Text by Al Kendrick Noguera, Photo by Elisa Aquino, GMANetwork.com