Celebrity Life

Krystal Reyes: A gem in show business


Siyam na taon pa lamang si Jolina M. Reyes nang siya’y unang sumabak sa mundo ng showbiz. Nang siya’y pinanganak, sikat na sikat si Jolina Magdangal, kaya’t sa singer-actress isinunod ang kanyang pangalan.

Mas kilala sa kanyang screen name na Krystal Reyes, ang cute child star turned teen idol ay maagang nagsimula nang kanyang showbiz career kaya’t maaga rin siyang na-challenge ng industriya.

Inamin niya na hindi siya masyadong nakapaglaro noon dahil naging busy sa taping. Ngunit humuhugot siya ng saya tuwing mayroong makakakilala sa kanya at babati ng kanyang performance.

Pagkatapos ng kanyang pagganap bilang batang Krystal sa ‘Bakekang’ noong 2006, nag-iba na ang mundo para sa batang aktres.

“Parang dun ko po naramdaman na artista talaga ako… ‘Pag sumasayakay na ko ng bus, may nakakakilala sa ‘kin, kasi po nagbu-bus lang po kami dati ni mama, tapos kapag sumasakay kami, [may nagsasabi] ‘uy, ikaw yung nasa Bakekang diba?’ Parang biglang ang dami dami pong nakakakilala sa’kin,” kwento niya.

Marami nang nakakakilala kay Krystal at sunud-sunod na ang proyektong nabibigay sa kanya. Gayunpaman, hindi siya tumigil sa pag-aaral. Naging mahirap man i-balanse ito sa pag-aartista, walang-sawang pinapaalala ng kanyang mga magulang ang kahalagahang makatapos.

“Syempre po nung bata ako, medyo tinatamad na ‘ko ‘pag nag-aaral ako. Syempre po gusto ko matulog, gusto ko maglaro. Pero sila mama, sinasabi nila na ituloy ko pa rin ang pag-aaral ko kasi 'di ba, mahirap nga po na pag nag-stop ka, baka mahirapan ka na makabalik,” aniya.

Noong nakaraang taon, nakatapos na si Krystal ng high school at punong puno siya ng magagandang alaala sa apat na taon na ‘yun.

“Merong part sa ‘kin na ‘hay, salamat natapos ko na.’ Meron din pong part sa akin na ‘mamimiss ko ‘to,’” dagdag niya.

Disisyete anyos pa lamang siya ngunit walong taon na siya nasa showbiz. Marami na rin ang kanyang roles na nagampanan at mga kaibigang nakilala sa industriya.

Hango man sa sikat na artista ang kanyang pangalan, nakagawa na si Krystal Reyes ng kanyang sariling pangalan na tuloy-tuloy niyang pinapaganda sa pamamagitan ng pagiging mabait na katrabaho, masunurin na anak at kahanga-hangang artista.

Panoorin ang kanyang pagpapakitang-gilas sa Carmela, gabi-gabi sa GMA Telebabad.

-- Text by Meryl Ligunas, Photo by Bochic Estrada, GMANetwork.com; Interview by Tunay Na Buhay