Celebrity Life

Alden Richards, proud kay Louise de los Reyes



Tatlong taon na ang nakalipas magmula nang unang magtambal sina Alden Richards at Louise de los Reyes. Ilang teleserye na rin ang pinagsamahan ng DenLou loveteam. Ngayong may kanya-kanya na silang GMA Telebabad series, nananatili pa rin ang kanilang pagkakaibigan at masaya si Alden para sa title role ni Louise sa Kambal Sirena.

Una nating minahal sina Alden at Louise bilang Joma at Adana sa GMA Afternoon Prime series na Alakdana. Naging hit ang kanilang tambalan, kaya nasundan ito ng GMA Telebabad series na One True Love. Maraming kinilig kina Tisoy at Elize sa nasabing drama serye, kaya’t ilang beses itong na-extend. Nasundan ito muli ng isa pang primetime series, ang Mundo Mo’y Akin, kung saan gumanap sila bilang Jerome at Marilyn.

Sa kanilang mga pinagsamahang teleserye, napansin ang kanilang angking talent sa pag-arte kaya naman ngayon ay namamayagpag na ang kanilang career sa mga teleseryeng kanilang pinagbibidahan. Katambal ni Alden ang Kapuso Primetime Queen na si Marian Rivera sa Carmela: Ang Pinakamagandang Babae sa Mundong Ibabaw, habang pinangungunahan naman ni Louise ang Kambal Sirena kung saan katambal niya ang Kapuso hunk na si Aljur Abrenica.

Kuwento ni Alden, nagkausap sila ni Aljur noong nagte-taping sila sa Magpakailanman episode na pinagsamahan nila.

Aniya, “I told him na si Louise, she’s really dedicated in acting. I really know her inside-out kasi for the longest time, she was my leading lady. I’m sure hindi mahihirapan si Aljur kay Louise because she’s very giving sa scenes and very hands-on.”

Todo suporta talaga si Alden sa dating ka-love team at sinabi niyang proud na proud siya kay Louise sa bagong achievement niya sa kanyang career.

“Since this is her title role, I wished her luck kasi this is gonna be something new for her. Si Louise naman never fails us. She always has this work ethic na she prioritizes acting. No pressure naman daw, sabi niya,” ani Alden.

Patuloy na panoorin si Alden Richards sa Carmela: Ang Pinakamagandang Babae sa Mundong Ibabaw at si Louise sa Kambal Sirena. Mapapanood rin sina Alden at Louise lingg-linggo sa Sunday All Stars.

Para makatanggap ng updates, mag log-on lamang sa www.gmanetwork.com.

-Text by Samantha Portillo, GMANetwork.com