Celebrity Life

Jackie Rice, may gustong patunayan


Magmula ng pangalanan siyang Ultimate Female Survivor sa ikatlong season ng reality talent search na StarStruck, umusbong na ang career ni Jackie Rice. Nakapagbida at kontrabida na siya sa ilang teleserye at pelikula, kaya naman ngayon ay lumelevel-up na ang Kapuso actress.

Aniya, “Mas gusto ko na mas character[-driven] ‘yung ginagawa ko, hindi ‘yung iyak lang nang iyak. Gusto kong maging versatile. Gusto ko na iba-iba ‘yung atake. Gusto ko na nag-gro-grow ako as an artist.”

Parte ng upcoming independent film na Sitio Camcam si Jackie. Kasama niya dito ang mga co-Kapuso actresses na sina Jean Garcia at Sunshine Dizon. Gumaganap siya dito bilang pangatlong asawa ng isang siga ng sitio.

Pagbabahagi ng Innamorata actress, “Noong tinanong ako ng [GMA] Artist Center, sabi ko wala pong kaso. Masaya ako kasi alam kong matsa-challenge ako dito.”

“Inalagaan naman po ako nina Direk Joel [Lamangan]. Bago nagstart ‘yung shoot, sinabi niya na magtiwala ako at iyon naman ang ginawa ko. I took him as my teacher at ako ang estudyante niya,” dagdag niya.

Bilang independent film ito, mas experimental ang atake at may ilang daring scenes din. Saan kaya pinaka kinabahan si Jackie?

Sagot niya, “Ang pinakagrabe doon ay ‘yung pagsampal nila sa akin. Sinampal ako ni Elizabeth Oropesa, ni Jean Garcia at ni Sunshine Dizon. ‘Yun ‘yung pinaka intense talaga.”

Sa ngayon ay nakafocus si Jackie sa kanyang pag-arte, kaya naman hindi siya nagaalinlangang tumanggap ng iba’t ibang roles.

Aniya, “Hindi ko pinangarap na maging bida, pero pinangarap ko na magka award. Iyon talaga ‘yung goal ko, at may pinanggagalingan iyon. Dati noong pagkatapos ko mag-StarStruck, sabi nila wala akong talent, so ngayon pinapatunayan ko na meron.”

“Kahit anong role okay sa akin, kahit best friend lang ng bida. Kahit dumaan lang iyan. Basta lagi kong sinasabi sa sarili ko na kahit wala akong line, dapat ako ‘yung magaling dito. Hindi kailangang ako ‘yung sumikat, basta ako ‘yung magaling,” dagdag niya.

Ang mantra ni Jackie ay hindi naman ibibigay ang trabaho sa kanya kung hindi niya kaya kaya’t pinagsisikapan niyang mabuti ang bawat role.

Kasalukuyang lumalabas si Jackie Rice sa GMA Afternoon Prime series na Innamorata at sa gag show na Bubble Gang.

For more updates, bumisita lamang sa www.gmanetwork.com.

-Text by Samantha Portillo, Photo by Bochic Estrada, GMANetwork.com