Celebrity Life

Elmo Magalona on his Mom Pia: 'I'm super proud of her'


Sa pagbisita ng GMANetwork.com sa taping ng Villa Quintana, ibinahagi sa amin ni Kapuso actor Elmo Magalona kung paano ba maging isang ina si Pia Magalona.

Taong 2009 nang pumanaw ang Master Rapper na si Francis Magalona dahil sa sakit na Leukemia. Mula noon, mag-isa nang itinataguyod ni Pia ang kanilang walong anak.

Lima sa walong anak ni Pia ay pumasok din sa showbiz tulad ng kanilang ama. Sila ay sina Maxene Magalona, Frank Magalona, Saab Magalona, Arkin Magalona at ang bida ng Villa Quintana na si Elmo.

Bukod sa pagiging ina ni Pia sa kanyang mga anak, siya rin ang nagsisilbing talent manager sa limang anak na pumasok sa showbiz. Bukod pa sa kanila, nagma-manage rin si Pia ng ibang artista tulad ni Kapuso actress Lauren Young na bibida sa pelikula ng GMA Films na Overtime kasama si Richard Gutierrez.

Ayon kay Elmo, hanga raw siya sa kanyang ina dahil mayroon pa rin itong oras para sa kanilang magkakapatid kahit na sobrang busy nito sa trabaho. “Ang dami niya talagang inaasikaso ngayon pero she's still makes time for us. Nagpapasalamat ako for her because full-time mom siya pero full-time manager din siya para sa amin,” pahayag ni Elmo.

Itinanong naman namin si Elmo kung ano ang masasabi niya sa mag-isang pagtaguyod ni Pia sa pamilya nila matapos pumanaw ang kanilang ama. “Parang hindi ko alam kung may ibang may kayang gawin 'yon kundi si Mommy. Ever since before, ipinakita niya na she was like super strong and inalagaan niya kami. And up to now, alagang-alaga [kami] sa kanya. Talagang I’m super proud of her,” sagot niya.

Bago matapos ang interview, sinabi ni Elmo na sobrang nagpapasalamat siya sa ina. Saad niya, “I’m super thankful sa lahat ng ginagawa niya not just for all of us but also for me.”

Patuloy na subaybayan si Elmo Magalona bilang Isagani sa Villa Quintana, weekdays after Eat Bulaga. – Text by Al Kendrick Noguera, Photo by Bochic Estrada, GMANetwork.com